Programang pabahay ng pamahalaan

Dear Secretary Defensor,

Ako ay isang estudyante at nais kong malaman ang mga programang pabahay ng pamahalaan. Anu-ano ba ang mga programa ng pamahalaan para sa mga mahihirap na nagnanais magkaroon ng lupa at bahay? – Lisabelle Cruz


Ang pamahalaan ay nagbibigay ng prayoridad sa programang pabahay upang matugunan ang pangangailangan ng mamamayan. Iba’t ibang ahensiya ng pabahay ang nagsusulong ng proyekto kagaya ng National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) Home Development Mutual Fund, National Housing Authority at Home Guarantee Corporation sa pangunguna ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC).

Sa NHMFC, ang Community Mortgage Program (CMP) ay naglalayong tulungan ang mga kababayang nakatira sa lupa ng isang pribadong indibidwal o kompanya na mabili ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay. Ang mga residente ay magbubuklod bilang asosasyong nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC). Kung papayag ang may-ari na ipagbili ang lupa, maaari silang dumulog sa NHMFC upang tulungan silang isailalim ang pagbili ng lupa sa CMP. Sa tulong ng accredited na originator, maaayos ang proseso ng paglalakad ng lahat ng mga papeles. Sa CMP, ang NHMFC ang magbibigay ng kabuuang bayad sa may-ari ng lupa bilang pautang sa mga asosasyon. Sa loob ng 25 taon, ang mga miyembro ng asosasyon ay magbabayad ng buwanang hulog sa NHMFC. Sa karagdagang impormasyon, maaari kayong tumawag sa CMP Secretariat sa tel. blg. 893-1501.

Sa mga nagnanais sumulat, maaaring ipadala ang inyong liham sa Office of the Chairman, HUDCC, 6th Floor Atrium Bldg., Makati Avenue, Makati City. Pakibanggit lamang kung nais ninyo itong ipalathala sa column na ito.

Show comments