Hanggang sa kasalukuyan, wala nang lumalabas na balita tungkol sa apat na bihag. Walang nakaaalam kung gumagawa ng hakbang ang military para ma-rescue ang apat na bihag. Maski ang gobyerno ay walang nababanggit kung ano ang gagawing pagliligtas sa mga bihag. Sabagay hindi naman kataka-taka, na maging mabilis ang pagliligtas sa mga bihag sapagkat maging ang mga dayuhang Amerikano na hinostage sa Dos Palmas ay mahigit isang taon bago nila napalaya sa kuko ng mga bandido. Malagim pa ang naging kinahantungan ng pag-rescue sapagkat napatay ang Amerikanong si Martin Burnham at ang Pinay nurse na si Ediborah Yap.
Nang unang mabalita ang muling pagdukot ng mga Abu Sayyaf, mabilis ang pagsasabi ng military na hindi ang mga bandido ang gumawa niyon. Anilay mga addict daw dahil sa ginawang karumal-dumal na pagpugot sa dalawang bihag. Hindi kaya nila matanggap na buhay pa ang Abu Sayyaf makaraan nilang sabihin na "pilay" na ang mga ito. Napatay ng military si Abu Sabaya, at ito marahil ang kanilang ipinagmamalaki. Subalit dapat nilang malaman na buhay pa si Ghalib Andang alyas Kumander Robot at si Khadafy Janjalani. Ang ugat ay hindi pa nila napuputol.
May bago nang pinuno ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at nararapat lamang na gumawa siya ng hakbang para lubusang madurog ang Abu Sayyaf. Dapat siyang magtrabaho nang husto.
Buhay na buhay pa ang mga Abu Sayyaf taliwas sa sinasabing wala nang kakayahang maghasik ng lagim. Lipulin sila kagaya nang pagnanais ng lahat ng tao na madurog na ang terorismo sa mundo.