Tiyak na empleyado

KINAKAILANGAN ba na ang kontrata ng empleo ay nakasulat para makakuha ng death compensation? May karapatan ba sa mga benepisyo kung ang sanhi ng kamatayan ay ang kalasingan ng empleyado? Ito ang dalawang isyu na sasagutin sa kaso ni Diego.

Ang employer sa kasong ito ay isang inter-island trade shipping company. Noong 1954, nagwelga ang mga marine officers ng kompanya. At para mabigyan ng seguridad ang mga opisyal na hindi nagwelga, kinuha ng kompanya ang serbisyo ni Diego mula sa isang watchmen’s agency. Siya ay nakadetalye tuwing gabi sa gangway ng sasakyang-dagat ng kompanya at sa pondo nito magmumula ang kanyang suweldo.

Bandang 8:30 ng gabi, sinabihan ng Chief Engineer ng isang sasakyang-dagat si Diego at ang mga kasama nito upang magpa-eskort pauwi. Uminom sila ng alak at alas-dos na ng umaga sila nakabalik sa kanilang poste. Bandang ala-6 ng umaga ay natagpuang patay si Diego. Nakalutang ang katawan nito malapit sa sasakyang dagat na kanyang binabantayan.

Ang asawa ni Diego ay humiling ng benepisyo sanhi ng kamatayan subalit tinanggihan ito ng kompanya. Ayon dito, hindi raw empleyado si Diego sa dahilang walang kasulatan ng empleo at ang sanhi ng kamatayan ay kalasingan habang nasa trabaho. Tama ba ang kompanya?

Mali.
Una, kahit na walang kasulatan ng empleo, si Diego ay tiyak na empleyado dahil mapapatunayan ang sasakyang-dagat ay pag-aari ng kompanya kung saan siya ay nagsisilbing gangway man at ang suweldong tinatanggap niya ay mula sa pondo nito. Ikalawa, ayon sa Workmen’s Compensation Act, ang depensang kalasingan ay nangangailangan ng maliwanag at kumbinsidong ebidensiya na ang empleyado na nalasing ay hindi nagampanan ang trababaho. Kailangang patunayan ng kompanya na ang aksidente ni Diego ay sanhi ng kalasingan at hindi dulot ng kanyang trabaho. Mahina ang ebidensiya ng kompanya, kaya ang asawa ni Diego ay makakakuha ng benepisyo (Compana Maritima vs. Cabagal 107 Phil. 87).

Show comments