Sa mga lugar malapit sa mga coal -fired power plants, marami na ang mga dinapuan ng sakit sa baga.
Umaasa tayo sa makatotohanan at walang bahid pulitikang resulta ng imbestigasyong gagawin ng binuong grupo ni DENR Secretary Heherson Alvarez.
Gaya nang sinabi ni Party-list Rep. Loreta Ann Rosales ng Akbayan, dapat tratuhin ni Alvarez ang isyung ito tulad ng ginawa niyang matibay na paninindigan laban sa mga impluwensyal na minero sa Mt. Diwalwal, Compostela Valley.
At kasangga rin sa kampanyang ito si Lakas Rep. Juan Miguel Zubiri. Aniya, maaaksaya lang ang P122 milyong pondong inilaan sa Clean Air Act kung mananatili sa operasyon ang mga plantang ito.
Ika nga ni Zubiri, huwag lang mga tricycle at sasakyang may maitim na usok ang pagdiskitahan ng gobyerno. Higit sa lahat, aksyonan ang mga coal-fired plants na posibleng gawing virtual gas chamber ang Pilipinas, mula Lingayen hanggang Lucena.
And I trust DENR. Ngayong kumpirmado na ang posisyon ni Sec. Alvarez, patunayan niya na siyay karapat-dapat sa kanyang sensitibong tungkulin. Kapakanan ng taumbayan ang gawing prayoridad. Hindi yung commitment ng pamahalaan sa mga kontrata para patakbuhin ang mga plantang ito.
Hindi lang DENR ang dapat umaksyon. Pati Department of Health ay dapat magpalabas ng opisyal at malinaw na pananaw tungkol sa epekto ng mga plantang ito sa kalusugan. Kailangang malaman ng taumbayan kung ano nga ba ang epekto ng mga plantang ito na ayon sa mga eksperto ay heavily laced with mercury at iba pang kemikal na nakalalason.
Hangga ngayoy wala man lang maliit na abiso ang DOH tungkol sa mga elementong lason na nagmumula sa mga plantang ito.
Alam nyo ba na kahit ang National Power Corporation (NAPOCOR) ay hindi itinatanggi na ang halos 100 porsyento ng mercury na taglay ng coal ay naibubuga kasama ang usok sa sandaling pinaaandar ang mga plantang ito.
At ang mercury ay may kakayahang maglakbay hanggang 600 milya at sadyang matindi ang lasong taglay.
Pati ang mga sanggol na ipinaglilihi pa lamang ay puwedeng magtamo ng kapansanan sa utak dahil sa mercury contamination. nakasisindak!