Ayon kay Treasurer Victor Endriga, ang halaga ng ipapataw na buwis sa mga may-ari ng mga health clubs at motel ay ibabase sa bilang ng mga nagamit na mga kumot at kubrekama. Bumalangkas sila ng isang pormula upang kuwentahin ang babayarang buwis ng naturang mga negosyo.
Kilala bilang mga talamak na mandaraya ang mga may-ari ng sauna bath, motel, beauty parlor at massage parlor pagdating sa pagbabayad ng buwis. Ngunit hindi nila maaaring itanggi ang mga nagamit na kumot at mga kubrekama sa kanilang negosyo. Bahagi iyon ng mahusay na serbisyo.
Posible pa rin silang makapanlinlang ng tao sa pamamagitan ng pag-uulit ng mga nagamit nang mga kumot. Ngunit sino nga naman ang gaganahang magpaserbisyo o mag-check-in kung may-amoy at marumi ang mga kumot at kubrekama.
Nararapat na himukin ng pamahalaan ang mga suki ng motel at sauna bath na isumbong ang mga establisimiyentong hindi nagpapalit ng mga kumot at sapin sa kama. Bawat kumot ay katumbas ng halagang dapat na mapunta sa kaban ng bayan. Dapat papurihan ang mga maselang parukyano na ayaw gumamit ng malansang kubrekama.