^

PSN Opinyon

Editoryal - Durugin nang lahat ang mga kidnapper

-
ANG pagkakapatay sa Pentagon leader na si Faisal Marohombsar ay hindi pa sapat para magbunyi ang taumbayan, pulis, militar at maski si President Gloria Macapagal-Arroyo. Sa bansang ito, kapag napatay ang puno meron pang bagong susupling hanggang sa mabuhay na muli. Ang nararapat ay ligisin na nang pino ang mga maiiwan pang supling para hindi na mabuhay at makapaminsala. Hindi ba’t ganyan ang pangarap ni Mrs. Arroyo, ang madurog ang mga masasamang loob. Marami na siyang ipinaradang kidnapper, drug trafficker, magnanakaw at pati pulis kotong sa Malacañang. Kahit na magparada pa nang magparada pa nang mga halang ang kaluluwa kung hindi naman madudurog ang mga kasamahan nila, wala ring mangyayari. Paulit-ulit lamang ang paggawa ng masama.

Napatay si Marohombsar noong Linggo ng umaga nang lusubin ng mga pulis at militar ang pinagtataguan nito sa Magallanes, Cavite. Dalawa pang kasamahan ni Marohombsar ang nadakip at isa rito ay isang pulis. Kinidnap nina Marohombsar ang apat na taong gulang na pamangkin ng may-ari ng ABS-CBN noong nakaraang linggo habang papasok sa school. Kasamang kinidnap ang yaya nito at ang driver. Humingi ng P100 milyon ransom sina Marohombsar.

Ang Pentagon gaya ng mga bandidong Abu Sayyaf ay kumikita ng pera dahil sa pangingidnap. Maraming pera ang kinita ng Pentagon dahil sa ransom sapul pa nang itatag ang grupo noong 1998. Nakapagtataka naman hindi agad siya madakip ng militar. Nadakip lamang siya noong June 2002 sa Quiapo subalit ilang linggo lamang nakakulong sa Camp Crame ay nakatakas na ito at nag-demand pa ng kung anu-anong kondisyon sa gobyerno. May kasabwat umanong mga tauhan ng pulisya si Marohombsar kaya nakatakas. Sa pagkakataong ito, na napatay na si Marohombsar dapat imbestigahan kung sino ang tauhan ng PNP na kumupkop sa kanya. Itapon ito sa kulungan.

Napatay na ang puno ng Pentagon at hindi rin naman dapat kumuyakoy ang mga awtoridad sapagkat baka may umusbong na suwi na magsasabog muli ng karahasan. Hindi pa tapos ang laban sa Pentagon kagaya nang hindi pa rin tapos na pakikipaglaban sa Abu Sayyaf at iba pang kidnapping syndicates. Durugin na silang lahat para maging mapayapa ang bansang ito.

ABU SAYYAF

ANG PENTAGON

CAMP CRAME

FAISAL MAROHOMBSAR

MAROHOMBSAR

MRS. ARROYO

NAPATAY

PRESIDENT GLORIA MACAPAGAL-ARROYO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with