Panibagong bomba na naman nga ang pinasabog ni Nacorda at natutuliro ang military kung paano sasagutin ang isinisiwalat ng pari. Sinabi ng military na walang katotohanan ang sinabi ni Nacorda na buhay si Sabaya sapagkat si President Gloria Macapagal-Arroyo umano ay napanood ang enkuwentro ng gabing mapatay si Sabaya. Nakunan umano ng video ang labanan at tinamaan si Sabaya at nahulog sa tubig kasama ang dalawa pang bandido. Ang lugar na kinahulugan ni Sabaya ay maraming pating. Tatlo sa mga kasamahang bandido ni Sabaya ang nadakip.
Malaki ang aming paniwala na napatay na si Sabaya at kinain na ito ng pating o kung anumang hayop sa lugar na kanyang kinahulugan. Kung totoong buhay pa siya gaya ng sinabi ni Nacorda, sana ay matagal na siyang lumantad at pinagtawanan ang military. Mayabang si Sabaya.
Marami pang matataas na pinuno ang mga bandido at mas matinik pa kay Sabaya at maaaring sila ang nag-utos ng panibagong pamumugot sa Sulu.
Hindi na dapat pinapansin ng military si Nacorda at ang dapat gawin ay habulin at pagbayarin ang mga bandidong namugot ng ulo. Kaysa sa intindihin ang "bomba" ni Nacorda, ang pagdurog sa mga bandido ang dapat bigyang pansin. Mas makabubuti pa ito kaysa pagbuhusan ng pansin ang bagong "palabas" ni Nacorda.