Nakakalitong traffic signs tanggalin na

NAKALILITO ang maraming traffic signs sa kalsada. Kung minsan, magkakasunod at magkakabit ang mga ito na tinatakpan ng nasa harapan yung nasa likuran. Nakalilito rin iyong mga traffic sign na gawa sa plywood lamang at pintang kamay na gumagamit ng ordinaryong pintura.

Mahirap mabasa ang mga karatulang magkakadikit. Sa bilis ng takbo ng motorista, halos hindi na mapansin ang mga mensahe nito. Kung minsan, ang mga babala ay isang paragraph ang laman, na para mabasa ay kailangang huminto muna ang kotse. Sa pagpipilit na mabasa, baka mabangga pa.

Sa mga barangay road naman, iba-iba ang hugis, anyo at kulay ng mga karatula. Hindi na malaman ng motorista kung ito ba ay tunay o gawa-gawa lamang. Kung sinu-sino na lang ang naglalagay, na hindi man lang mabatid ng motorista kung ito ay may awtoridad. Ang sign pa kung minsan ay wrong spelling.

Maraming street signs din ang mas malaki pa ang pangalan ng nag-donate kaysa sa mismong sign. Nakakalito rin ang mg ganito dahil hindi malaman ng motorista kung ito ay may bisa pa o wala na.

Kailangan ng uniformity ng kulay, laki at hugis kapag traffic signs ang pinag-uusapan upang unibersal na maunawaan din ito ng mga tsuper. Dapat nga ay wala na ang mga letra dahil bago makakuha ng lisensiya sa pagmamaneho ay pinapalagay na alam ito ng mga drayber. Dapat lang ay may pangunahin at sentral na awtoridad ang naglalagay nito sa kalsada. Hindi ito dapat ipinauubaya sa mga iba’t ibang sangay ng pamahalaan at lalong hindi dapat sa mga pribadong mamamayan.

Magandang gawing proyekto ito ng MMDA upang magkaroon ng pagsasaayos ang pagsunod sa traffic signs sa Metro Manila.

Show comments