Editoryal - 'Pulis droga' dakmain din

HINDI na mapipigilan si President Gloria Macapagal-Arroyo sa pagparada sa mga gumagawa ng kabuktutan at katiwalian sa lipunan. Patuloy niyang ipahihiya ang mga ito at desidido si Mrs. Arroyo na ipagpatuloy ang nasimulan sa kabila na marami ang bumabatikos. Kamakailan ay mga corrupt na judge at fiscal ang kanyang iniutos na imbestigahan. Mapahiya na ang mapahiya pero ito ang tinutumbok ni Mrs. Arroyo para labanan ang kriminalidad, katiwalian at iba pang kabulukan sa lipunan. Sana nga ay seryoso na ang Presidente sa kanyang kampanya sa paglilinis ng lipunan. Ang hakbang na ito sa aming paniwala ay mahalaga sa pagbubuo ng isang matibay na republika. Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang buwan ang pagtatatag ng matibay na republika ang kanyang binigyang-diin.

Patuloy nga ang "panghihiya" ni Mrs. Arroyo sa mga gumagawa ng kasamaan at noong Biyernes ay mga "pulis kotong" naman ang kanyang ipinarada. Apat na unipormadong pulis na naakusahang nangongotong ng P300 sa isang truck driver sa Muntinlupa ang iniharap sa media ni Mrs. Arroyo. Ang apat na pulis ay sina PO1 Fernando Pinongan, PO2 Conrado Duran, PO2 June Reyes at SPO1 Edison Belmonte. Ang apat ay mga miyembro ng Muntinlupa City police mobile patrol division. Animo’y mga "basang sisiw" ang apat na nadaklot ng mabangis na lawin.

Ang apat ay katiting lamang sa mga "bugok" na miyembro ng PNP na gumagawa ng kasamaan. Mas matutuwa ang taumbayan kung ang mga "pulis droga" ang ipaparada ni Mrs. Arroyo. Mas matindi ang mga "pulis droga" kaysa mga mangongotong sapagkat kakaiba ang kanilang pamamaraan para makapangulimbat. Tinataniman nila ng shabu ang mga inosenteng civilian na hinaharang sa checkpoint. Marami na silang nabibiktima na walang magawa kundi ang magbigay ng malaking halaga ng pera.

Ang mga "pulis droga" ang dapat isunod dakmain upang hindi na makapaminsala. Sila ang mga "bukbok" na sumisira sa kapulisan at kung hindi magkakaroon ng masinsinang paglilinis si PNP chief Deputy Dir. Gen. Hermogenes Ebdane, tiyak na hindi makababangon sa kinalulublubang putikan ang organisasyong kanyang pinamumunuan. Ang PNP ay may mga miyembrong sangkot sa kidnapping, drug trafficking, carnapping at kung anu-ano pang masamang gawain. Panahon na para maputol ang masamang gawain ng mga "pulis-droga". Dakmain sila at itapon sa kulungan kasama ang iba pang halang ang kaluluwa.

Show comments