Ang panalanging nagmamahal at nagpupursigi

Naisulat ko na ang tungkol sa Ebanghelyo ngayon. Subalit ako ay nalulugod na magsabi na parating may mga bagong pag-iisip tayong makukuha mula sa Ebanghelyo. Kailanma’y di natin malulubos ang pag-iisip tungkol sa ebanghelyo.

Tunghayan natin si Mateo (Mt. 15:21-28).

‘‘Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. Lumapit sa kanya ang isang Cananeang naninirahan doon at malakas na sinabi, ‘‘Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay inaalihan ng demonyo at masyadong pinahihirapan.’ Ngunit gaputok ma’y di tumugon si Jesus. At lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanya, ‘Pagbigyan na nga po ninyo at nang umalis. Siya’y nag-iingay at susunud-sunod sa atin.’ Sumagot si Jesus, ‘Sa mga tupang naliligaw ng sambahayan ng Israel lamang ako sinugo.’ Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod sa harapan at ang sabi, ‘Tulungan po ninyo ako, Panginoon.’ Sumagot si Jesus, ‘Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga tuta.’ ‘Tunay nga po, Panginoon,’ tugon ng babae, ‘ngunit ang mga tuta man ay nagsisikain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon.’ Kaya’t sinabi sa kanya ni Jesus, ‘Napakalaki ng iyong pananalig! Mangyayari ang hinihiling mo.’ At noon di’y gumaling ang kanyang anak.’’


Ang babae’y may pagmamahal. Mahal niya ang kanyang anak na babae na nasa kalunus-lunos na kalagayan. Ang pagmamahal na ito ang nagtulak sa babaing ito na lumapit sa isang estranghero. Walang anumang kapangyarihan na mas malakas at higit na makapaglalapit sa Diyos kaysa pagmamahal.

Kung minsan, tila hindi pinapakinggan o nadidinig ng Diyos ang ating panalangin. Subalit kung tayo’y magpupunyagi at magpupursige, kung patuloy tayong mananalangin at hindi magsasawang tumawag sa Diyos, ginagantimpalaan ang ating pagpupursige. Marahil ay nais ng Diyos na maging mapasiyensiya tayo sa ating mga sarili, maging mapasiyensiya din tayo sa Diyos. Sa ganitong paraan, tinuturuan tayo ng Diyos.

Dapat tayong lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin na hindi iginigiit o ipinipilit ang ating mga karapatan. Sapagkat sa harap ng Diyos, wala tayo nito. Tanging sa kagandahang-loob ng Diyos tayo sumasalalay kapag mapagpakumbaba tayong nananalangin sa kanya. Oo, ang ating panalangin ay dapat maging mapagpakumbaba at mapursigi.

Show comments