Ganyan kalupit ang mga bagong upo ngayon sa puwesto sa ating pulisya, lalo na sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at sa iba pang mga unit nito sa Camp Crame, na mukhang walang laman ang mga utak ng mga hepe nila kundi pera. At kung ito ang gagawing basehan ni Interior Secretary Joey Lina Sir, ibig sabihin niyan malaganap pa rin ang jueteng operations sa Metro Manila, di ba mga suki?
Unahin natin itong bidding na nagaganap sa ngayon sa opisina ni Sen. Supt. Don Montenegro, hepe ng National Capital Region (NCR) ng CIDG. Apat na personales ang kasali sa bidding at hindi ako magtataka mga suki kung mabubulabog na naman ang tabakuhan sa darating na mga araw. Ang bidding ng intelihensiya kasi mga suki ay parang nasa palengke yan. Pero kung sa palengke ang pinakamababang presyo ang tinatangkilik ng publiko sa bidding naman ng intelihensiya ang pinakamataas na presyo ang nananalo.
Sa ngayon ang bata ni Montenegro na si Insp. Danny Sarmiento ang umaaktong kolektor ng CIDG-NCR, anang mga pulis na nakausap ko. Pero ayaw na ni Sarmiento ng permanenteng trabaho bilang kolektor dahil may sarili rin siyang trabaho. Ito kasing si Sarmiento at ang alyas Tepang, ang dating pulis na may-ari ng chain of beerhouses sa Quezon City, ang nagpapatakbo ng jueteng sa Nepa-Q-Mart. May tig-isang porsiyento sila sa umaabot na P500,000 ang kubransa nila sa jueteng kada araw, anang mga pulis na nakausap ko. Si Sarmiento rin ang nasa likod ng malawakang racehorse bookies sa naturang siyudad, anila.
Aalamin ko kung sino ang mananalo sa bidding ng intelihensiya sa opisina ni Montenegro at kung magkano ang inabot nito kada linggo. Habang hindi pa nareresolba ang bidding sa NCR ng CIDG, ang mga gambling lords naman sa Maynila at CAMANAVA ay tuliro na at nagbabantang magsasara dahil sa sobrang hagupit sa kanila ng taga-Regional Intelligence and Special Operations Office (RISOO) sa ilalim ng liderato ni Dep. Dir. Gen. Reynaldo Velasco. Lintik ding mag-demand itong taga-RISOO at doble ang intelihensiyang gusto keysa parating noon sa nagdaang pamunuan nito.
At dahil lampas-langit na ang gastos ng mga gambling lords sa Maynila at CAMANAVA nagbanta sila na magsara ng negosyo kapag itinuloy ng mga bataan ni Velasco ang demand nila. Hindi naman makakilos si Secretary Lina sa bidding sa CIDG at sa pangharabas ng taga-RISOO dahil may tali rin ang kanyang mga kamay. Kasi nga ang taga-Task Force Jericho rin na kanyang operating arm ay naakusahan ding nasa payroll ng mga gambling lords. Sino na ang dapat humabol sa mga talipandas na ito?
At dahil malapit na ang major revamp sa PNP, sigurado akong hindi na matatapos itong bidding at dobladong intelihensiya. He-he-he! Lahat kasi gustong mamantikaan ang nguso, di ba mga suki? Ngayon mga suki, kayo na ang maghusga kung may pagbabago ba ang pulisya nyo?