Editoryal - Na-roco na ang DepEd

ANG pagre-resign ni Education Sec. Raul Roco ay natiyempo sa panahong nagkukumahog ang departamento sa pagbibihis at pagsasagawa ng mga pagbabago. Nataon sa panahong marami na sa mga kabataan ang salat sa karunungan at nangangailangaan nang "pakainin" ng bagong kaalaman lalo pa sa larangan ng English, Science at Math. Kulelat ang mga mag-aaral na Pinoy sa tatlong larangan. Nataon din ang pagre-resign sa panahong naglilinis sa kabulukan ang departamento at winawalis ang mga tiwali.

Nag-resign si Roco noong Martes makaraang ipag-utos ni President Gloria Macapagal-Arroyo na imbestigahan siya sa sumbong na katiwalian. Pagkapahiya ang nadama ni Roco sa pag-uutos ni GMA sa Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) na imbestigahan siya dahil umano sa graft complaint na iniharap ng DepEd Employees union. Hindi naman tinanggap ni GMA ang resignation ni Roco. Kahapon ay naka-schedule ang paghaharap ni GMA at Roco subalit hindi natuloy.

Ang DepEd ay isa sa mga departamento ng pamahalaan na napapaligiran ng mga corrupt. Nadungisan na ito noong panahon ni dating President Joseph Estrada nang magkaroon ng suhulan sa textbook. Ang panunuhol ay ginawa pa mismo sa Malacañang. Walang naparusahang malaking isda sa suhulan at tanging "dilis" ang nahuli. Wala nang nangyari sa kasong iyon.

Ang complaint kay Roco ay kinabibilangan ng "dictatorial management style", maling paggamit ng public funds, pag-hire ng mga consultants na matataas ang suweldo at hindi makatarungang pagsuspendi sa mga empleado at tauhan ng DepEd.

Nagrenta rin umano si Roco ng helicopter sa halagang P200,000 noong nakaraang taon nang bumisita sa northern Philippines. Nag-order din umano si Roco ng P350,000 posters na nagkakahalaga ng P2 million. Ang mga poster umano ay balak gamitin sa kandidatura sa 2004 presidential elections.

Sa biglang pagre-resign ni Roco, ang labis na apektado ay ang departamento sapagkat masisira ang mga mahahalagang plano na dapat ipatupad para sa ikauunlad ng mga mag-aaral. Sa pagbibitiw ni Roco, maaaring ang katiwalian ay lalo pang mangibabaw at tiyak na dadapa ang departamento.

Marami ang nangangarap na maging mabuti na ang education system sa bansa. Marami rin ang umaasa na madudurog ang mga tiwali sa departamento. Sa pagbibitiw ni Roco, paano pa maipagpapatuloy ang mga reporma sa DepEd. Paano pa maitutuwid ang mga mali sa sistemang pang-edukasyon?

Show comments