Kasama ni Jesus, si Maria ngayon ay maluwalhating namamayani sa langit bilang Reyna at Ina ng langit at lupa. Ang pangyayaring ito ay ating pinagninilayan kapag dinadasal natin sa rosaryo ang ikaapat na misteryo ng luwalhati. Sa kanyang awiting Magnificat, sinasabi ni Maria na ang Makapangyarihang Diyos ay gumawa sa kanya ng mga dakilang bagay.
Subalit ngayon dapat nating tanungin ang ating mga sarili: Ano ang kabuluhan ng pag-akyat kay Maria sa langit para sa ating mga Kristiyano? Una, tayoy binibigyang-kasiguruhan sa pamamagitan ng ating pananalig na tulad nina Jesus at Maria. Tayo rin ay naitakdang mabuhay na muli sa kaluwalhatian pagkatapos ng ating panlupang kamatayan. Ang ating katawan ay mabubulok sa ating pagkamatay. Subalit mabubuhay tayong muli sa wakas ng panahon. Tayoy makikibahagi sa kaluwalhatian ni Jesus, ang ating Tagapagligtas at ni Maria ang ating ina.
Ikalawa, dapat nating ipakita ang ating malaking paggalang at pagpapahalaga sa ating katawan. Ito ay handog ng Diyos sa atin. Sa pamamagitan ng ating katawan at ng ating mga pandama, ipinahahayag natin ang mga iniisip at kahalagahan. Ipinapahatid natin ang mga nadarama at pagmamahal. Sa pamamagitan ng ating mga mata, nakikita natin ang kagandahan. Sa pamamagitan ng ating mga tainga, nakakapakinig tayo ng musika. Nadidinig natin ang mga salita. Nauunawaan natin ang iba. Inuulit ko, dito sa lupa hindi tayo mabubuhay nang matagal. Tayo ay mamamatay. Subalit dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, tayo ay nakikipagtulungan sa kanya sa ating paglago upang makamtan natin ang anumang panlupang kaganapan. May pasasalamat na isinasagawa natin ang ating pang-araw-araw na gampanin habang tinitingnan ng Diyos ang ating paglago sa bawat araw.
Sa buhay na ito, ang katawan ay may hangganan. Subalit sa kabilang buhay, ito ay magpakailanman.