Sa kanyang pagbisita sa lalawigan ay pinuri ng President hindi lamang ang hospitality ng mga Bikolano kundi ang napakatamis na pinya na pinatikim sa kanya at mga kasamahan.
Formosa ang tawag sa pinya sa Daet. Napag-alaman na isa sa pinagkakakitaan ng mga magsasaka sa 12 bayan ng Camarines Norte ay ang pinya. Umaabot sa tatlong libong ektarya ang taniman ng pinya sa naturang probinsiya. Bukod sa Daet, marami ring taniman ng pinya sa Talisay, Labo, Basud at San Vicente.
Mayaman sa Vitamin C at potassium ang pinya. Ayon sa mga taga-Daet mabuti ring panggamot ang pinya sa sipon at ubo.
Ayon kay Marianito S. Narra, isang magsasaka sa Tagas, maraming balikbayan at mga turista ang nagsabi na ang pinya ng Daet ay pinakamatamis sa buong mundo. Ang pinya ay hinahabi rin bilang piña cloth na ginagawang Barong Tagalog. Mahal ang Barong na yari sa pinya. Ang pinya ay ginagawa ding bag, tsinelas, sinturon at iba pang gamit.
Pang-local consumption lang ang pinya ng Daet dahil hindi ito kasing dami ng mga pinyang tinaguriang Haway na isinasalata at ineexport sa ibang bansa. Ang pinakamalawak na taniman ng pinya ay sa Bukidnon na umaabot sa 16 na libong ektarya. Ikalawa ang South Cotabato na may 10,000 hectares; ikatlo ang Cavite na sumusukat ng limang libong ektarya at ikaapat ay ang Camarines Norte na may tatlong libong hektaryang taniman.