Humahagulgol na ipinagdiinan ni Acsa na talagang mahapdi ang ginawa ni GMA at ni NBI Director Reynaldo Wycoco sapagkat inilagay siya ng mga ito sa malaking kahihiyan. Hindi siya nakatulog ng ilang araw at iniwasan niya na makaharap ang mga tao. Pati ang nakatatanda niyang kapatid na babae ay inatake sa puso nang marinig ang balita tungkol sa pagkakasangkot ni Acsa.
Kung sabagay, talaga namang nakasisirang-puri at nakapagngingitngit ang nangyaring ito kay Acsa. Marami sa ating mga kababayan ang nakikiramay sa sinapit na ito ng kahera. Kung sa iyo mangyari ito, hindi ba kayo magwawala? Buti nga hagulgol na lamang ang naging reaksyon ni Acsa. Akalain nyong siya na ang nag-report ng kabalbalan, siya pa ngayon ang akusado?
Ang pakiusap lamang ni Acsa ay humingi lamang ng paumanhin ang NBI sa naganap na kapalpakan nito. Idinagdag niya na bahala na si GMA kung pati siya ay mag-aapologize sa kanya. Pero nangangamba ang taumbayan na baka si Acsa ang balikan dahil sa pagkakalagay sa kahihiyan ni Wycoco at ni GMA? Hindi kaya tuluyan ng NBI na isama na si Acsa bilang isa sa mga suspect sa nasabing landbank scandal case? Ito ang titigan nyong mabuti bayan.
Ang mapait na karanasan ni Acsa ay isa lamang sa napabalitang sunud-sunod na kapalpakan ni GMA na naghaharap sa kahihiyan. Dahil dito, natanggal sa kanyang trabaho si Director Virgilio Salveijo ng Malacañang presidential appointments office. Careful, careful, hindi maganda ang kinalalabasan kapag nakukuryente.