Kung sabagay, ito palang si Pineda ay kababayan ni President Gloria Arroyo. Paalala lang mga suki, hindi ko sinabi na si GMA ang protektor ni Pineda ha? Pero maaaring nasa paligid lang ni GMA ang protektor niya di ba?
Ayon sa mga pulis na nakausap ko, ito palang si Pineda ay nagbukas ng jueteng sa limang bayan sa Batangas kamakailan. Siya rin umano ang financier ng jueteng operations sa probinsiya ng Cavite at Rizal, ano ba yan? Mukhang sobra rin ang lakas ng protektor nitong si Pineda dahil hindi man lamang niya inaalintana ang nagtatalsikang laway ni Lina. Inaarok kaya ni Pineda kung hanggang saan ang pasensiya ni Lina? Pero paano naman mapasara ni Lina itong jueteng operations ni Pineda eh pasok naman daw siya sa Task Force Jericho, ang operating arm ng DILG. Ewan ko kung ano ang ibig sabihin ni Pineda pero sa tingin ko abot ni Supt. Noel Estanislao, ang hepe ng Jericho, ang tinutukoy niya. Maraming pulis ang nakapuna na mukhang naghihingalo na ang jueteng campaign ni Lina nitong mga nagdaang araw. Dahil kaya sa pagkaaresto ng limang tauhan ng Jericho sa Maynila kung saan naebidensiyahan silang nangongotong?
Mula ngayon kahit anong aksiyon pa ang gagawin ni Lina palaging nakasabit sa kanyang balikat itong kaso ng limang pulis. Kung bukas ang mga pa-jueteng ni Pineda, mukhang sa Metro Manila ay nag-full blast na rin ang operation ng illegal na sugal kung gagawing basehan ang mga aksiyon ni SPO1 Ed Morata na nagpapakilalang opisyal ng kolektor ng bagong upo na hepe ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na si Dep. Dir. Gen. Reynaldo Velasco.
Ayon sa mga pulis na nakausap ko, panay ang ikot ni Morata sa Kamaynilaan at inaabisuhan ang mga gambling lords na huwag i-intertain ang kung sinuman at makipagkita na lang sa kanya ng personal kung ang para sa opisina ni Velasco ang pag-uusapan. Bagyo kaya itong si Morata kay Velasco?
Titingnan natin, mga suki kung hanggang saan ang lakas niya. Sa intelligence naman o R-2 ng NCRPO, si SPO2 Romy Lopez ang ginagamit ni Sr. Supt. Luisito Palmera, anang mga pulis na nakausap ko. Sa pagmayagpag nina Pineda, Morata at Lopez di ba sapat na katibayan na yan mga suki na bukas na bukas ang pasugalan hindi lang sa Kamaynilaan kundi sa buong bansa? May kakayahan pa kaya si Lina na hambalusin itong sina Pineda, Morata at Lopez? Abangan.