Alam natin na noong matapos ang diktadurya at mabuksan ang Pilipinas sa demokrasya, daragsa ang kalayaan. Ang nasupil noon na press at media ay biglang nakalaya. Ang mga ipinagbabawal noon na pagmamartsa sa kalsada ay naging legal. Ang nangangambang mga kritiko noon ay lantaran nang nangungutya.
Mahalaga lahat ang karapatang mga ito: Kalayaang makapagsalita at maghayag ng pananaw at opinyon, kalayaang magbigay ng puna, kalayaang baguhin ang batas sa ngalan ng demokrasya. Ngunit hindi dapat ito makakasagabal sa pag-asenso ng bansa. Ang mga ito ay dapat constructive, hindi destructive.
Hindi porket may isang grupong nais maghayag ayon sa kanilang idealismo, ay maaari na nilang gawin ito sa oras at lugar na gugustuhin nila. Hindi dahil may karapatan kang maghayag ng balita, ay maaari ka nang hindi maging responsable sa paglalathala nito, hanggang sa punto ng pagbalewala sa katotohanan. At hindi dahil binigyan ka ng karapatang baguhin ang batas, ay hindi ka na dadaan sa proseso ng demokrasya.
Ang karapatan ay may kaakibat na responsibilidad. Kung ang iyong pagkilos at paggamit ng iyong karapatan ay tatapak sa karapatan ng iba, hahadlang sa kaayusan at katahimikan, at sasagabal sa progreso, tungkulin ng pamahalaan na kontrolin ito. At para sa mga abusado sa karapatan, kamay na bakal ang kailangan.
Ito ay hindi kamao, dahil hindi ito pang abuso, kundi upang ipakita sa mga abusado na ang gobyerno ang gagabay sa kanila para sa kapakanan ng mas nakararami. Kailangan ito ay bakal, upang may puwersa, at upang ipakita na malakas ang pamahalaan at kaya nitong isaayos ang lipunan.