Ayon kina Bayan Muna sectoral Reps. Satur Ocampo at Lisa Maza, sumali raw sina US Marine sergeant Reggie Lane at dalawa pang Kano sa patrulya ng Philippine Army sa Tuburan. Pinasok daw ang kubo ng mangingisdang Muslim at binaril ito ng itim na si Lane sa hita. Kuwento raw ito ng asawa at pinsan ng biktima sa 42 "neutral international observers" at ng doktor na gumamot sa mangingisda. Imposible, sagot ng AFP. Gabi nang dumating ang mga sundalong Pinoy para dakipin si Buyong-Buyong Isnijal, hinihinalang Abu Sayyaf member, sa kasong rape at double murder. Nanlaban si Isnijal, kaya binaril ng isang malakit maitim na sundalo. Tinakbo nila ang sugatan sa pinaka-malapit na military medics, kung saan kasama si Lane. Nag-first aid si Lane, saka nirekomendang dalhin si Isnijal sa ospital.
Mas kapani-paniwala ang AFP version. Miski gaano kasira-ulo si Lane, hindi ito sasama sa patrulya ng isang squad ng Philippine Army. Lalo nat doktor siya at hindi fighter. At lalo nat ang Balikatan training ng US officers sa Filipino soldiers ay sa lebel ng battalion na tig-500.
Napaka-ingat ng US government sa pagsabak ng sundalong Kano sa giyera sa terorismo. Ayaw nilang malagasan nang marami. Kaya nga 100 araw silang nag-carpet bombing sa Tora Bora bago idispatsa ang unang G.I. sa Afghanistan. Inilayo pa nga sa aktwal na bakbakan ang US troops. Ipinaubaya sa mga paksiyong galit sa Taliban at Al Qaida. Dala na kasi ang Kano sa casualties sa ibang bansa. Nagalit ang US public sa kapabayaan sa pagkahuli at pag-torture sa isang US Marine sa Somalia. At lalong ayaw na nilang masabit tulad nang sa Vietnam.
Napaka-ingat din ng AFP sa terms of reference ng Balikatan. Lalo nat pinagmulan ng gusot ang TOR sa pagitan nina Presidente Arroyo at Vice President Guingona. At lalo nat alam nilang nakabantay sa kanila sina Ocampo at Maza.