Nasabi ko sa kolum na ito na dapat tayong matuwa porke nagkasundo na ang mga Senador matapos ang halos isang buwang bangayan. Hindi pa pala.
Nang mailathala ang opinyon kong ito last week, lumabas din ang balita na nagkaroon uli ng mainitang bangayan sa Senado.
Naghamon tuloy si Sen. Robert Barbers. "Mag-resign" na lang daw sila nang sabay-sabay.
Tapusin ang mga mahahalagang panukalang batas hanggang Disyembre and then quit.
May mga kumutya kay Barbers. Mantakin mo nga naman na masasabotahe ang operasyon ng gobyerno sa mass resignation ng mga mambabatas.
Si Barbers na lang daw ang mag-resign, o kaya siya ang mauna.
Pero kung susuriin ang kasalukuyang situwasyon, hindi ba nasasabotahe na nga ang galaw ng gobyerno sa nangyayaring away-bata sa Senado?
Nakakahiya!
Sabi ng oposisyunistang si Sen. Ed Angara, lahat naman daw ng mambabatas ay may hangaring gumawa ng mabuti.
Hindi ko sasalungatin iyan. Pero ang problema, bawat isa ay may sariling kahulugan kung ano ang "mabuti" At iyan mismo ang ugat ng bangayan.
At kung ang Senate floor ay gagamitin ng mga mambabatas sa walang katapusang argumentong politikal, naaaksaya lang ang pera ng bayan na mula sa pawis at dugo ng mga taxpayers.
Mukha mang kabaliwan ang panukala ni Barbers, buti pa nga marahil na buwagin na ang Senado na walang buting naidudulot kundi puro sakit ng ulo!