^

PSN Opinyon

Editoryal - Serbisyo muna bago pulitika

-
PULITIKA na ang paksa sa almusal, tanghalian at hapunan. Maski sa Senado ay grabe na ang pamumulitika at wala nang magawa ang mga Senador. Naglilitawan na rin ang mga survey kung sino ang malalakas na kandidato para sa 2004 Presidential elections. Dalawampu’t dalawang buwan pa bago mag-election subalit naaamoy na ito. Hindi maikakaila na nagsisimula nang magpabango, magpapogi at magpaganda ang mga nagnanais maging Presidente ng bansa. Habang ginagawa ang pagpapapogi at pagpapaganda, hindi naman malaman ng taumbayan kung paano makaaahon sa kumunoy ng kahirapan.

Sa survey na ginawa ng IBON kamakalawa, umalagwa ang nakagigimbal na resulta kung sino ang malalakas na kandidato sa pagka-presidente ng bansang ito. Nangunguna si Education Sec. Raul Roco. Ikalawa si dating President Joseph Estrada at ikatlo naman si President Gloria Macapagal-Arroyo. Si Roco ay nakakuha ng 19.96 percent, si Estrada ay 14.08 at si GMA ay 11.13. Ayon sa survey, kung idaraos agad-agad ang election, si Roco ang tatanghaling Presidente ng bansa. Si Roco umano ay mabango kaya madaling iboboto. Nakaaalarma naman ang resulta na talo ni Estrada si GMA. Si Estrada ay kasalukuyang naka-hospital arrest makaraang mapatalsik sa puwesto dahil sa katiwalian.

Sa pagkakalabas ng IBON survey inaasahan na sunud-sunod na ang paglabas ng iba pang surveys na may kinalaman sa pulitika. Ikokondisyon na ang isipan ng taumbayan gayong malayo pa ang election. At siyempre, magsisimula na ang batuhan ng putik at maaanghang na batikusan na nangyayari na sa kasalukuyan.

Kitang-kita na ang maagang pamumulitika at tila nasasapawan na ang dapat sana’y iukol para sa kapakanan ng taumbayan. Sa Senado nga gaya ng aming sinabi ay hindi maikakaila at damang-dama na ang init ng pulitika. Makikita na ang madalas na larawan ni GMA sa mga pahayagan. Kapuna-puna na ipiniprisinta pa sa kanya ng mga awtoridad ang mga nasasakoteng kidnaper, drug traffickers at iba pang mga kriminal.

Ang pulitika sa bansang ito ay bahagi na ng buhay-Pinoy. Hindi na maaaring tuklapin sa isipan. Ang inaasahan naman ng taumbayan, sana’y tuparin muna ng mga nakaupong pulitiko ang kanilang sinumpaang paglilingkod bago ang pamumulitika. Tumbasan ang ipinagkaloob na pagtitiwala at hindi ang pagkukunwari lamang. Marami ang umaasa na mahahango sila sa hirap ng iniupong pulitiko. Serbisyo muna bago pulitika.

vuukle comment

AYON

DALAWAMPU

EDUCATION SEC

PRESIDENT GLORIA MACAPAGAL-ARROYO

PRESIDENT JOSEPH ESTRADA

RAUL ROCO

SA SENADO

SI ESTRADA

SI ROCO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with