Noong 1934 pa lang, pumirma na sina Nardo at Marta sa isang deed of absolute sale ng nasabing lupa pabor kay Gertrudes. Hindi na nairehistro ang nasabing dokumento. Hindi rin agad inokupahan ni Gertrudes ang lupa. Noong 1949 lang niya inokupahan ito. Namatay din si Nardo noong 1949. Namatay naman si Marta noong 1959. Dahil nga di pa napapatituluhan ni Gertrudes ang lot 1470 na binili niya, hiniling niya sa nabubuhay na anak nina Nardo at Marta na sina Fer at Lita, na ikumpirma ang nasabing bilihan dahil ang deed of sale ay nawawala na sa katagalan ng panahon. Pumirma naman sina Fer at Lita sa isang notaryadong dokumento na nagkukumpirma ng deed of sale na pinirmahan ng mga namatay ng magulang nila noong 1934. Batay sa dokumentong ito, nakakuha na ng titulo si Gertrudes noong May 23, 1960.
Noong May 7, 1990, matapos mapatituluhan ni Gertrudes ang lupa, naghabol naman ang anak ni Nardo sa unang asawa na pinangungunahan ni Matilde. Walang bisa raw yung pinirmahan nina Fer at Lita dahil wala raw sapat na katibayan na talagang ipinagbili ng ama nila ang lupa kay Gertrudes. Kaya dapat daw kanselahin ang titulo ni Gertrudes at ibalik ang lupa sa ngalan ng nasirang ama nila. Tama ba sina Matilde?
Mali. May bisa ang kumpirmasyong ginawa nina Fer at Lita. Notaryado ito, kaya pinapalagay na regular. Walang sapat na ebidensiyang naipakita upang mabuwag ang pagpapalagay na ito. Ang kumpirmasyong itoy makatotohanan dahil itoy isang deklarasyon laban sa mismong interes nina Fer at Lita.
Kapansin-pansin na mula May 23, 1960 nang napatituluhan ni Gertrudes ang lupa, 30 taon na ang lumipas bago kumilos sina Matilde. Hindi sila gumawa na sapat at pagsisikap. Malinaw na natulog sila sa kanilang karapatan. Ang aksyon ng pagbawi ng titulong mali ang pagkakarehistro ay dapat isampa sa loob ng 10 taon lang mula nang matuklasan ito. Ang pagrehistro sa Register of Deeds ay isang abiso para sa lahat na isinalin na kay Gertrudes ang titulo. Kaya mula noon, may 10 taon lang sina Matilde upang kuwestiyunin ang titulo ni Gertrudes. Huli na sila (Declaro et. al. vs. Court of Appeals G.R. No. 119747 Nov. 27, 2000)