Ayon sa survey, nangunguna si Roco (19.96 percent), pumapangalawa si Estrada (14.08 percent) at pangatlo naman si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo (11.13 percent) sa isinagawang survey.
Bakit ko nasabing panalo si Erap? Kasi isinama sa survey sina Senador Ping Lacson (pang-apat, na may 4.5 percent) at ang aktor na si Fernando Poe, Jr. (pang-anim na may 2.47 percent).
Kung magkakaroon ng totohanang eleksyon at magpasyang kumandidato muli si Estrada, natural magpapaubaya sina Lacson at Poe kaya ang botong para sa kanila ay mapupunta sa naka-hospital arrest na ex-president.
Pero lubhang malayo pa ang 2004 presidential elections. Many things can yet happen para ang sitwasyon ay pumabor kay Presidente Arroyo na sa ngayoy nahaharap sa sari-saring negatibong komento at obserbasyon ng mga mamamayan. Besides, survey results do not necessarily translate into votes.
Kaya kung sadyang naghahangad na tumakbo sa pagka-pangulo si Mrs. Arroyo sa 2004, ngayon pa lang ay dapat na niyang lutasin ang mga dambuhalang problemang kinakaharap ng bansa. Nangunguna na riyan ang pagsugpo sa kriminalidad at pag-aangat ng kabuhayang pambansa.
Ayon kay Press Secretary Toting Bunye, hindi nababahala ang Presidente sa resulta ng survey na ito.
Ang konsentrasyon daw ni Mrs. Arroyo ay nakapako sa pagbibigay-katuparan sa kanyang mga magagandang pangakong binitawan sa kanyang State of the Nation Address kamakailan.
Good luck sa ating President. Harinawang matugunan niya lahat ang mga pangunahing pangangailangan ng taumbayan bago matapos ang kanyang termino sa 2004.
Hindi naman masyadong demanding ang tao. Ibigay lang sa kanila ang basic services tulad ng housing, shelter, food, education, health, employment and peace and order matutuwa na sila sa kanilang namumuno.