Nagsimula ang FQS-70 nang pumatay sa bugbog ang Metrocom ng apat na demonstrator sa Kongreso nung SONA ni Marcos. Makalipas ang apat na araw, nag-indignation rally sa Malacañang ang libu-libong kabataan. Pina-disperse sila. Nagbakbakan. Limang estudyante ang patay. Tatlong buwang rallies tuwing makalawa ang sumunod. Maraming sumapi sa NPA at communist underground. Naulit ang gulo nung 1987 sa Mendiola massacre ng siyam na nagraraling magsasaka.
Para di na maulit ang FQS-70 at Mendiola massacre, nilapat ang policy ng maximum tolerance. Batuta at shield lang ang dala ng pulis. Kinakausap ang rally leaders na kumuha muna ng permit sa city hall at huwag humarang sa traffic. Tinatawag lang ang bumbero kapag magulo na. Kaya kadalasan, umuuwi ang demonstrators sa pagkagat ng dilim.
Inabuso ng ilang grupo ang maximum tolerance. Nambabato ng pulis na nakatayo lang sa sulok. Dalawang pulis ang muntik mamatay nang nilusob ng Erap loyalists ang Malacañang nung May 2001. Nung huling SONA ni Mrs. Arroyo, dalawang pulis ang malubhang binugbog.
Tiyak, merong infiltrators na naghihikayat ng gulo. Pero tungkulin ng police intelligence na i-identify at hulihin sila nang hindi ginagalaw ang mas maraming lehitimo na naglalahad ng hinaing.
Biglang-liko rin sa Kanan ang isang provision sa Anti-Terrorism Bill ng Malacañang. Paparusahan nito ang simpleng pagsapi sa terrorist groups. Delikado ito. Hindi lahat ng kasapi ng isang protest group ay terorista. Yung nagpapasabog at nagkikidnap lang ang dapat tugisin.