Hindi nagtawag ng rally o lumikha ng gulo sina Delfin Lacuesta, ang incumbent chairman ng Barangay Sto. Domingo, at ang kanyang katunggali na si Richard Tipa. Wala ring press conference na ipinatawag at walang nadamay na taga-media.
Walang palitan ng maaanghang na salita, wala ring nanirang-puri at walang debate. At higit sa lahat, walang nasayang na pondo ng gobyerno. Maging ang opisyal mula sa Commission on Election na inatasang ayusin ang gusot ay humanga sa paraang ginamit ng mga kandidato.
Paano nila nilutas ang tabla? Sa pamamagitan ng cara y cruz. Napagkasunduan nina Lacuesta at Tipa na kung sino ang makakuha ng cara o mukha sa kanilang initsang barya, siya ang tatanghaling panalo. Si Lacuesta ang nagwagi at nagkamay ang dalawa upang gawing ganap ang kasunduan.
Mahirap asahan ang ating mga senador na tularan ang ginawa nina Lacuesta at Tipa. Sino kaya ang mas marangal? Tataya ako kina Lacuesta at Tipa.