^

PSN Opinyon

San Ignacio de Loyola

ALAY-DANGAL - Jose C. Blanco S.J. -
NGAYON ay kapistahan ng tagapagtatag ng mga Heswita, si San Ignacio de Loyola. Ang mga Heswita ay isang relihiyosong kongregasyon na nasa paglilingkod ng Papa at ng Simbahan. Si Ignacio ay ipinanganak sa Loyola, Espanya noong 1491. Nang lumaki, siya’y naging isang kawal ng hari. Mahilig niyang ipakita ang kanyang kagalingan sa paghawak ng sibat at sa pag-aakit sa puro ng mga kababaihan. Siyang taong makamundo.

Subalit ang Diyos ay may ibang balakin para sa kanya. Sa Pamplona, Espanya, ipinagtanggol niya ang kastilyo ng hari nang umatake ang mga Pranses. Isang bala ng kanyon ang tumama sa kanyang binti. Hindi siya namatay. Siya’y dinala sa sarili niyang kastilyo sa Loyola upang magpagaling. Siya’y masugid na mambabasa ng mga romansa. Humingi siya ng mga libro na mababasa. Subalit walang maibigay sa kanya. Ang mga nandoroong libro lamang ay tungkol sa buhay ni Jesus at isang libro na naglalaman ng buhay ng mga santo o mga taong banal.

Binasa niya ang dalawang naturang libro. Ganap siyang naakit kay Jesus. Binalik-tanaw niya ang kanyang sariling buhay na makasalanan. Napahagulgol siya nang dahil sa mga ito. Pinagpasyahan niyang gayahin ang buhay ng mga santo. Nag-ayuno siya. Nagplano siyang pumunta sa Jerusalem bilang isang pilgrimahe. Ang lahat ng mga ito’y balakin ng isang bagong nagbabagong-loob.

Habang siya’y nasa Manresa, Espanya, nakatanggap siya ng napakaraming biyaya mula sa Diyos. Nilikha at binuo niya ang Mga Banal na Pagsasanay. Ito’y isang instrumento na kanyang ginamit upang tulungan ang mga Kristiyano na ibigay nang ganap ang kanilang mga sarili sa Diyos. Sa pamamagitan ng Mga Banal na Pagsasanay, nakaakit siya ng mga kasama na sasali sa kanyang hangarin na ipalaganap ang paghahari ng Diyos. Ang pinakakilala sa mga ito ay si San Francisco Javier, ang apostol sa mga Indies.

Si Ignacio at kanyang mga kasama ay nagpasiyang magbuo ng isang kapatiran, isang pagsama-sama. Hiniling nila sa Papa na isugo sila saan man niya naisin silang tumungo. At binigyan nga sila ng Papa ng mga gawain. Subalit nang si Ignacio na ang umupo bilang Heneral ng mga Heswita, iniatang ng Papa kay Ignacio ang tungkulin na magsugo sa mga Heswita kung saan sila mas higit na kinakailangan.

Ang mga Heswita ay naparito sa Pilipinas kasing-aga ng 1581 – mga 25 taon pagkatapos mamatay si Ignacio noong 1556. Sa Pilipinas, pinamamahalaan ng mga Heswita ang mga Ateneo – Ateneo de Davao, Ateneo de Zamboanga, Xavier University sa Cagayan de Oro, Ateneo de Naga, Xavier School at Ateneo de Manila at Ateneo Professional Schools. Pinangangasiwaan din nila ang Manila Observatory.

Ako rin ay isang Heswita na nagtataguyod ng active non-violence o ‘‘alay-dangal,’’ at nagsusulat ng kolum na ito para Pilipino Star NGAYON, ang inyong pahayagan.

ATENEO

DIYOS

ESPANYA

HESWITA

IGNACIO

ISANG

LOYOLA

MGA BANAL

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with