Editoryal - Kampanya sa air pollution asan na?

KAHAPON ng umaga ay bahagyang madilim ang langit. Makulimlim na animo’y babagsak ang ulan. Pero hindi! Walang pag-ulan sapagkat wala namang nagbabantang sama ng panahon. Ang pagdidilim sa umaga ay dulot ng matinding pollution. Ang nakalalasong usok at nagmumula sa mga sasakyang nagyayaot at ganoon din sa mga pabrika na hindi na natatakot kahit na mayroong Clean Air Act. Binabalewala ang batas. Sabagay hindi rin naman sila masisisi sapagkat ang pamahalaan na rin mismo ay walang ngipin para ipatupad ang batas.

Ang Clean Air Act of 1999 ay ginawa upang malunasan ang grabeng air pollution na unti-unting pumapatay sa mga residente ng Metro Manila. Sa ilalim ng batas, ipinagbabawal ang paggamit ng incinerators at ng mga makinang segunda mano na nagpapalala sa pollution. Mahigit tatlong taon na ang nakalilipas subalit ang pagpapatupad sa batas ay walang makitang pag-unlad.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang pagpasada ng mga kakarag-karag na bus partikular sa EDSA. Dumadagsa rin naman ang mga segunda manong bus mula sa Japan, Korea at China. Ang mga ito ang nagbubuga ng nakamamatay na usok na nalalanghap ng mamamayan.

Ang paggamit ng mga incinerators ng mga malalaking kompanya ay patuloy din naman at walang maipakitang katigasan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ang Department of Transportation and Communications (DOTC) ay "pilay" din at hinahayaang labagin ang batas. Ang pagkilos ng DENR at DOTC para labanan ang grabeng pollution ay dapat isagawa bago mahuli ang lahat.

Ilang buwan na ang nakararaan, maraming estudyante sa isang pribadong school sa San Juan, ang nagsuka at nahilo. Pinaniniwalaang ang grabeng pollution ang dahilan. Ang school na iyon sa San Juan ay hindi naman kalayuan sa EDSA kung saan ay maraming sasakyang nagbubuga ng nakamamatay na usok.

Ang DOTC ay nararapat magsagawa nang araw-araw na pagdakma sa mga sasakyang nagbubuga ng maitim na usok. Hindi nararapat ang ningas-kugong kampanya ng dalawang departamento laban sa problemang ito ng bansa. Ang kalusugan ng taumbayan ang nakasalalay dito.

Nasisira ang kapaligiran dahil sa pollution at natural na ang kasunod na sisirain nito ay ang mga tao. Hindi dapat hintaying mangyari ang pagsira sa sangkatauhan. Ang pagkilos ay dapat nang isagawa.

Show comments