Maraming nagsasabi na ang ulan daw ay biyaya ng Diyos subalit ang sabi rin naman ng iba ay galit ang Diyos at ito ay lumuluha. Ahh...basta ang alam ko kapag umulan ay kailangan naming maghanda dahil maaaring tumaas ang baha.
Sinilip ko sa isang maliit na butas kung ano na ang nangyayari sa ibaba. Naroroon ang maitim na tubig na nagbabantang tumaas, ang masangsang na amoy na umaalingasaw at ang gabundok na basurang nakatambak sa paligid. Kitang kita ko ang dahan-dahang paglaglag ng maliliit na basura mula roon.
Naalalala ko noong nakaraang taon, kitang-kita ko nang matabunan ng basura ang mga bahay dito. Ang sabi ni Inay tumakbo kami nang tumakbo kahit alam naming nasa loob pa ng bahay si Itay. Masakit mang isipin ay inagaw siya sa amin ng basura. Mula nang mangyari iyon ay maraming naawa, tumulong at nanisi kung bakit naman daw dito kami tumitira at kasalanan din namin ang mga nangyari.
Galit man ako sa mga naririnig ay totoo naman pero masisisi nila ba kami kung dito kami nabubuhay sa pagbubungkal ng mga basurang itinapon nyo at itinambak sa lugar namin. Ang basurang ikinabubuhay namin, ang mga basurang unti-unting pumatay sa mga buhay nang naririto at ang mga basurang umutang sa buhay ng karamihang nakatira dito kabilang ang aking ama.
Unti-unting kumalma ang nagagalit na kalikasan. Gayundin ang pagkalma sa takot ng mga taong nasa aking paligid. Ngunit ang pagkalmang iyon ay panandalian lang maaring maulit na naman ang pag-ulan.
Meron pa kayang nakaaalala sa sinapit namin noon? Kung meron man siguroy kami lang. May nakapagsabi sa amin na ililipat daw ang basura. Maraming tumutol ngunit marami rin ang sumang-ayon. Ngunit parang hindi naman natupad.
Papaano napunta na sa iba ang atensiyon ng tao, ang pagtugis sa mga bandido, ang pagnanakaw ng dating Presidente at ang kaban ng pera ng kasalukuyang senador at ngayon ang away sa loob ng Senado. Paano kaya kami kung maulit muli ang pagbagsak ng basura, saka lamang mabibigyan ng aksyon ang kalagayan namin, kung kailan may mga tao na namang tatangis, kung kailan may tao na namang matutulad kay Itay...