Pero mas nanggagalaiti ang mga ordinaryong sundalo, bumberot pulis. In-invest kasi ng ilang officers ang savings at retirement funds nila sa dalawang kompanya. Hangad din ay mabilis at malaking tubo. Baka may komisyon pa sa placements. Hayun, wala na ngang tubo, nawala rin ang principal sa balitang pagbagsak ng Glasgow at ICS.
Ayon sa reports, pina-padlock ng SEC ang dalawa. Investment failure raw kasi. Nagkunwaring eksperto sa financial lending schemes para makasilo ng clients. Nagpatikim nung una ng nakakasilaw na tubo, para makakuha pa uli ng pera sa mga tauhan at opisyal.
Pero huli na ang padlock order ng SEC. Parang kinandaduhan ang sota matapos makawala ang kabayo. Wala namang ginawang paraan para maibalik ang pera ng mga biktima.
E di bat kelan lang ay nagpasara ang gobyerno ng dalawang office ng Hapon na Genji Cosmos? Yung lending firm nagpi-pyramiding, tapos itinatago ang kita sa isang banko na ginagatasan din niya. Nalugi ang investors at depositors. Kelan lang din, nabisto ang investment racket ng babaeng malapit kay dating President Joseph Estrada. Natangayan pa nga ng P90 milyon sina Sen. Loi Ejercito at anak na Jacky Lopez. Bakit ba hindi maprotektahan ng SEC ang publiko sa manloloko?
Tila sakit ng mga SEC ang kabagalan. Sa US ngayon, binabatikos ang SEC chief Harvey Pitt sa pagpapabaya sa creative o manlinlang na accounting ng giant firms na Enron, WorldCom at pito pang iba. Naloko tuloy ang stock investors. Pero kinagalitan siya ni Pres. George W. Bush. Kumilos din ang US Congress. Dose-dosenang chief financial officers ang sinisiyasat. Gagawing krimen at hindi lang civil offense ang securities fraud.
Dito, walang kumikilos para sa maliliit na investors.