Ang legislature sa pamahalaang nasyonal ay pinamumunuan ng Speaker of the House at ng Senate President. Ang executive naman ay nasa ilalim ng pamumuno ng Presidente ng Pilipinas. Samantalang ang judiciary ay sa ilalim ng Chief Justice ng Supreme Court. Sa barangay, ang tatlong ito ay pinamumunuan ng Punong Barangay.
Ang barangay ay may trabahong executive na kumukuha ng utos at direksiyon mula sa Punong Barangay. Ang Sangguniang Barangay din ay pinamumunuan ng Punong Barangay bilang presiding officer. At mayroon ding Katarungang Pambarangay na Punong Barangay din ang namumuno. Tatlong sangay sa ilalim ng isang tao. Tunay na makapangyarihan ang puwestong ito.
Kaya sa darating na halalan, kailangang iboto natin yung mga tao na may katangiang kayang gampanan ang mahahalagang tungkuling ito. Ang tatlong sangay sa ilalim ng isang tao ay tunay na makapangyarihan. Mapabibilis ang serbisyo sa ilalim ng matinong tao, ngunit madali ring abusuhin ng isang hindi sinsero sa serbisyo.
Ang Barangay ang siyang pamahalaang pinakamalapit sa mamamayan. Ito ang unang tutugon sa ating pangangailangan. Ito rin ang tunay na magbibigay ng representasyon sa polisiya at mithiin ng komunidad sa isang demokratikong bansa na binubuo ng tao, mula sa tao at para sa tao. Bumoto ng wasto. Kilalanin ang kandidato.