Tinatawanan ni Local Government Sec. Jose Lina ang ganung rason. Kung babasahin ng mayors ang Local Autonomy Code, mababatid nilang sila pala ang may poder sa pulis. Ganun din ang sinasaad sa Napolcom Law. Deputy pala ng Napolcom lahat ng governor at mayor.
Bilang deputy, pinuno sila sa peace and order, at pagpapatupad ng batas sa probinsiya, lunsod o bayan nila. Konting angal lang nila tungkol sa hepe, bibigyan sila ng PNP ng hanggang limang pamalit. Awtoridad nila na utusan ang pulis na gamitin ang tauhan at gamit ng PNP unit sa lugar nila para sa anumang dapat sugpuing krimen.
Sang-ayon si Naga City Mayor Jess Robredo kay Lina. Nasa halal na mayor daw ang tunay na lakas, wala sa appointee lang na hepe. Alam ni Robredo ang trabaho niya. Kaya siya nanalo ng Magsaysay Award. Tulad niya, hindi umaangal ang mahuhusay na mayor, tulad nina Rod Duterte ng Davao City o Francis Tolentino ng Tagaytay. Tulad nina dating Mayor Fred Lim ng Manila o Bayani Fernando ng Marikina, puro trabaho lang sila. Walang angal tungkol sa kakulangan ng poder, na di naman totoo. Puwedeng mamasyal nang walang-kaba sa Davao miski hatinggabi, malinis ang Tagaytay. Parang nung nilinis ni Lim ang Malate, at inayos ni Fernando ang traffic sa Marikina.
Binabalaan ni Lina ang maangal na mayors. Upakan daw nila ang jueteng lords sa pook nila. Panimula ito sa malawakan ding kampanya laban sa naglipanang shabu. Kung umangal sila, tatanggalan ang pagka-deputy nila ng Napolcom. Ibig sabihin, pulis na mismo ang mamumuno, hindi na sila.
Kahiya-hiya ito. Parang nung sinaunang panahon, nang inilalagay ang magugulong bayan sa Constabulary control.