Ang dahilan ng hindi pagdating ng mga foreign investors ay sapagkat inabutan sila ng baha sa mismong lugar na napili nilang bilhin upang pagtayuan ng isang malaking factory at warehouse. Ayun, mukha yatang napurnada na ang bilihan dahil sa hinayupak na baha. Paano ka naman magnenegosyo sa lugar na yun na hanggang leeg ang taas ng tubig.
Ito marahil ay matatawag na isang coincidence. Subalit puwede rin itong sabihing kamalasan sapagkat kung natuloy sana ang paglalagay ng nasabing negosyo sa lugar na ito, mangangailangan sana sa factory na ito ng hindi kukulangin sa dalawang libong empleyado at mga manggagawa. At hindi lang ito. Kikita rin nang malaki hindi lamang ang munisipyo at mga barangay kundi pati na ang BIR at Customs.
Ang inilalarawan kong ito ay maaaring isa lamang sa mga halimbawa ng masamang epekto ng baha sa Metro Manila at sa kapaligiran nito. Nasisiguro kong maraming katulad nito ang nawawala sa ating bansa dahil lamang sa kapabayaan ng ating gobyerno na masugpo ang perwsiyong baha. Maihahambing sa isang salot ang pagbaha sapagkat maraming buhay ang nasasayang at milyun-milyong ari-arian ang nawawasak.
Ilang dekada na ang lumipas na taun-taon na lamang ay ganito nang ganito ang nangyayari lalung-lalo dito sa Metro Manila. Maraming buhay na ang nalagas at ang ari-arian ng mamamayan ay nalalagay na sa panganib. Natatakot ako na baka hindi na makapagtimpi ang taumbayan sa kalunus-lunos at kalagayang ito. Hindi na dapat pang magpatumpik-tumpik ang ating pamahalaan upang kaagad na harapin ang salot na baha at iba pang panganib na kinasusuungan ng taumbayan.