Akala ko ay ako lang ang nakapuna sa takbo ng mga kasaysayan ng mga drama series ngayon. Halos lahat ng mga nagsidalo sa public forum na iyon ay nagkakaisa na ang mga telenobelang gawa rito at maging imported ay halos iisa lang ang mensahe ang paghihiganti. Isang telenobela na mataas ang rating hindi lamang sa paborito ang dalawang young stars na mga bida ng serye kundi sa dalawang babaing kontrabida na wala nang katapusan ang pagtutunggali.
Inggit, at karahasan ang tinatalakay ng primetime telenobela na masama ang epekto sa mga kabataan.
Paghihiganti rin sa mga taong naging dahilan ng paghihirap ng pamilya ng bidang babae ang tema ng pang top-rated series. Walang kasingsama ang kontrabidang babae at laging nagtatagumpay laban sa bida. May mga eksena rin sa naturang palabas na nagpapakita na ikinukulong ang isa sa mga lead star na babae sa kulungan ng aso. Hindi ba naisip ng writer, director at producer ng show na labag ito sa karapatang pantao?
Isa namang kasisimula pa lamang na serye ay tumatakbo sa karahasan sa pulitika. Labanan ng mga political giants na ang mga anak ay nagmamahalan na mala-Romeo and Juliet.
Ang telebisyon ay ere-libre. Kahit sino ay puwedeng manood kaya dapat na maging maingat ang mga manunulat ng mga telenobela sa pagtalakay sa maseselang isyu lalo na ang tungkol sa violence na lumalason sa isipan ng mga kabataan.