Binigay na kay President Gloria Arroyo ang report ng inter-agency finance committee na inutusang repasuhin ang kontrata ng 35 IPPs. Ang findings: 5 sa IPPs ay kakasuhan; 11 ay rerebisahin ang singil; 11 din ang aayusin ang palakad dahil mahal ang singil; 2 ang okey ang singil pero dapat pa rin ayusin ang palakad; 6 lang ang walang sabit na legal o pera.
Ang limang kakasuhan ay Binga Hydroelectric Plant, Cavite EPZA Diesel Plant, Sual Coal-Fired Plant, Casecnan Multipurpose Project, at San Roque Multipurpose Project. Kinontrata sila sa ilalim ng Emergency Power Act nung termino ni President Fidel Ramos. Sinamantala nila ang power shortage noon at ang pagmamadali ng gobyerno na magtayo ng planta. Wala mang public bidding sa Emergency Power Act, marumi pa rin ang kontrata dahil puro kabig lang ng tubo miski walang serbisyo. Humanda sila ngayon.
Dapat ding papurihan ang anim na matino: Navotas Gas Turbine Plant Unit 4, Limay Bataan Combined Cycle Gas Turbine A at B, Toledo Thermal Plant, Ambuklao Hydroelectric Plant, at Paragua Diesel Plant.
Tatlong buwan ang ibinigay ni President GMA sa NEDA, Justice at Energy departments para ayusin ang singil at palakad ng 24 iba pa. Kung ganun, bababa na ang presyo ng Napocor, at pati ng distributors tulad ng Meralco. Makakahinga na ng maluwag ang consumers.
Dapat lang tumubo ang IPPs dahil sa ikinapital nila sa mga planta. Pero dapat din tama ang singil at sapat ang produksiyon ng kuryente. Di tulad ng isa sa limang palpak, na singil lang nang singil miski walang ginagawang kuryente. Tumutubo ng P2 bilyon kada taon. Ano, siya lang ang anak ng Diyos?