Sagana ang kanyang ani sa bukid kaya hindi sila nagkukulang sa mga pangangailangan sa bahay.
Mula sa kinikita ay naipaayos niya ang kubo. Napalitan ng hollow block ang mga dingding at ang pawid na bubong ay naging yero. Nakabili siya ng upuang narra at saka radyo.
Kung linggo ay nakapagsisimba silang mag-anak at kapag maganda ang palabas sa sine ay nanonood sila. Nagsasabong din siya kung minsan.
Ang kanyang apat na anak ay pawang nag-aaral. Ang kanyang asawa ay nakapag-iipon ng kaunting pera para sa hinaharap.
Gabi-gabi kapag nagdarasal ay nagpapasalamat ang magsasaka sa Diyos at wala siyang hinihingi ni anuman.
Isang kaibigan ang nakapuna sa kanya.
Bakit ka pa nagdarasal kung wala ka rin lang hihingin sa Diyos? Alam mo bang hinihintay ng Diyos ang iyong pangangailangan?"
Wala naman akong kailangan, sagot ng magsasaka.
Pero nang gabing iyon ay inisip niya ang sinabi ng kaibigan. Bakit nga ba hindi ako humihingi sa Diyos?
Nang gabi ring iyon ay hiningi ng magsasaka na manalo siya sa lotto. At araw-araw sa pagdarasal ay hiningi niya na manalo siya sa lotto. Ngunit walang nangyari.
Naghinanakit siya at sinabi sa dasal, Diyos ko panalunin naman ninyo ako sa lotto kahit minsan lang.
Sumagot ang boses sa langit. Naririnig kita araw-araw. Pero pagbigyan mo naman ako, tumaya ka naman sa lotto.