Ngayoy kapansin-pansin ang pagkakatuon ni Lina sa jueteng at hindi naman niya nabibigyang-pansin ang iba pang problema na kinasasangkutan ng mga pulis. Naging mabangis sa maghu-jueteng si Lina subalit sa paglaganap ng droga ay tila naging malambot siya. Bakit hindi naman niya hagupitin ngayon ang mga pulis na protektor ng drug lord na nagpapakalat ng shabu?
Hindi na kaila sa taumbayan na kaya lumaganap ang shabu sa bansang ito ay dahil walang ngipin ang batas. Nasangkot ang mga pulis na inaasahang magpapatupad ng batas subalit sila pa ang kumakandong sa mga bigtime drug lord. Pera-pera lamang ang katapat. Nakikinabang nang malaki ang mga pulis sa illegal drugs.
Isang maliwanag na katotohanan at maaaring hindi ito nakikita ni Secretary Lina ay ang pagkakasangkot ng mga pulis ng Western Police District (WPD) sa tangkang pagsuhol sa mga pulis ng Baguio City para ma-release ang mga suspected drug pusher. Sinusuhulan umano ni Insp. Luis Chico ng P200,000 ang mga pulis-Baguio para pakawalan ang tatlong drug suspects makaraang mahuli sa isang buy-bust operation noong nakaraang linggo. Hindi pumayag ang mga pulis-Baguio at sa halip, kinasuhan ang mga drug pusher.
Maraming pulis-droga. Kailan lamang, pitong pulis ang kinasuhan ng pangingidnap sa isang businessman. Umanoy dinakip ang businessman ng mga pulis dahil isa itong drug pusher. Ikinulong pa sa WPD headquarters ang businessman at ninakawan at pinapirma sa isang blank check. Kinasuhan na rin ang tatlo sa pitong pulis-droga.
Natutuon ang pansin ni Secretary Lina sa mga pulis na sangkot sa jueteng, paano naman ang mga nasasangkot sa droga. Mas matindi ito sapagkat sinisira ang lipunan. Dapat dito imulat ang mata.