Mag-asawa si Norma at Pedro. Si Tommy naman ay kaibigan ni Pedro. Lingid sa kaalaman ni Pedro, pinagtataksilan pala siya ng kanyang asawa at kaibigan. Sa katunayan nga nagkasundo na sina Norma at Tommy na patayin si Pedro upang silay makapagpakasal.
Isang araw habang nagtatrabaho si Pedro sa bukid dumating si Tommy na may dalang pagkain. Matapos kainin ni Pedro ang pagkain, nagsuka ito at namatay.
Si Tommy pa mismo ang nag-abiso ng pagkamatay ni Pedro. Lumabas sa imbestigasyon na si Pedro ay nilason. Dahil hindi na mapagtakpan pa ang kanilang ginawa, umamin na si Tommy at Norma sa krimen. Kapwa sila nakasuhan ng parricide ang krimen ng pagpatay sa asawa, anak o magulang. Matapos ang paglilitis, napatunayan ng mababang hukuman na nagkasala si Norma at Tommy ng pagpatay kay Pedro. Ngunit si Norma lang ang sinentensiyahan ng parricide. Si Tommy ay nasentensiyahan ng murder, hindi parricide. Tama ba ang hukuman?
Tama. Parricide ang krimen ni Norma dahil ang biktimang si Pedro ay asawa niya. Ngunit ang relasyong ito ay hindi maaaring gamiting sirkumstansiya laban kay Tommy dahil itoy personal lang kay Norma. Kaya si Tommy ay may sala ng murder at hindi parricide dahil pinatay niya si Pedro sa pamamagitan ng paglason. Ang paglalason ay isang pamamaraan na nakabago sa krimen ni Tommy na naging murder sa halip na homicide. Ang sirkumstansiyang ito naman ay naka-grabe sa krimen ni Norma at nagpabigat ng kanyang sentensiya (US vs. Bucsit 43 Phil. 185).