Huwag masungit

MAY teyorya ang kaibigan kong si Fred, na dating agnostic pero umakda nito lang ng libro tungkol sa kapangyarihan ng Diyos. Kapansin-pansing sumusungit daw ang tao ngayon. Ito raw ang sanhi ng mga kakila-kilabot na krimen. Ehemplo, ‘yung batang binaril dahil sumikwat ng side mirror ng kotse. O ‘yung ina sa US na hinulog sa ilog ang kotse sakay ang limang anak. Ito rin daw ang dahilan ng mga tumitinding hidwaan sa pulitika at relihiyon, sa Pilipinas at ibang bansa. Lahat ng ito, ayon kay Fred na PhD, ay signos na malapit nang dumating ang Diyos para direktang mamuno sa mundo. Bahala na raw akong isipin kung hibang na siya, ani Fred, pero kapag hindi raw nagbago ang tao, palala nang palala ang sasapiting kalamidad ng mundo tuwing tatlong taon.

Siguro ako ang hibang, hindi si Fred. Pero sa pag-aaral ko ng history, dati nang masungit ang tao. Kaya nga may Nero na nagpasunog ng Roma at nagpakatay ng libu-libong Kristiyano habang tumutugtog ng lira. May Hitler na nagpasunog ng anim na milyong Hudyo. May bin Laden na nagpa-crash ng eroplano sa 3,300 tao.

Ang mga kalamidad, dala ng kalikasan o ng tao. Di mapipigilan ang pagsabog ng Vesuvius o Pinatubo, o ang lindol sa Lima o Luzon. Ang baha sa Ormoc, dulot ng pag-kalbo ng bundok. Ang malimit na El Niño, dala ng polusyong bumubutas sa ozone layer at nagpapainit sa dagat.

Paniwala ng iba’t ibang relihiyon na kaya ng Diyos pigilan ang sakuna. At puwede rin Niyang hayaang mangyari ito. Totoong naganap ang Great Flood nu’ng panahon ni Noah. Lahat ng kultura’t relihiyon ay may salaysay nito, Kristiyano o Muslim, taga-Africa o South America.

Dati nang masungit ang tao, dati nang lumalala ang kalamidad di lang tuwing tatlong taon. Ang pagdating ng Diyos, Siya lang ang nakaaalam kung kelan. Maging handa parati, huwag masungit, ano man ang relihiyon. Hindi naman relihiyon ang mahalaga sa Diyos, kundi relasyon sa Kanya.
* * *
Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com o sa Pilipino Star NGAYON.

Show comments