Hindi naman lingid sa atin mga suki na patuloy pa rin ang operasyon ng jueteng sa buong bansa at hindi sapat na sina Metro Manila police Chief Dep. Dir. Gen. Edgar Aglipay, Dirs Avelino Razon at Domingo Reyes at Chief Supts. Reynaldo Berroya at Nick Pasinos at Sen. Supt. Leonilo dela Cruz at Jose Salvacion lamang ang tamaan. Ang tanong sa ngayon, bakit malamya si Lina sa iba pang regional directors? Dahil ba bagyo ang mga padrino nila?
Nagtataka rin ang marami kung bakit lumayo pa si Lina eh putok naman sa apat na sulok ng bansa na itong Task Force Jericho, ang operating arm niya, e kumukolekta rin ng intelihensiya sa jueteng. Sa totoo lang, anang mga pulis na nakausap ko, malaki ang tara ng naturang unit sa mga gambling lords. Hindi lang yan, anila, ginagamit din ng mga active, retired at sibilyan na mga tong collectors ang pangalan ni Lina eh bakit hindi man lamang sila ang hambalusin niya?
Maraming pulis din ang nagsasabi na ang dapat na unang sinibak ni Lina ay itong si Dir. Nestorio Gualberto, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame. Ayon pa sa mga pulis na nakausap ko, ang koleksiyon sa jueteng ng taga-CIDG ay mas malaki pa sa ngayon keysa mga lokal na pulis natin. At nangyari yan sa panahon ni Gualberto, ang dagdag pa nila. He-he-he!
Talagang wala nang baho na maitatago sa panahon ngayon ng high-tech communication. Ayon pa sa mga pulis, ang grupo ng tong collectors na ginagamit ng Task Force Jericho ay siya ring ginagamit ng CIDG kaya siguro hindi sila kapwa tinibag ni Lina. Aba mababawasan ang paghanga ko kay Lina kapag totoo itong bintang laban sa kanya. At habang nagbabangayan ang kampo ni Lina at mga nasibak na opisyal ng pulisya, patuloy pa rin ang operasyon ng jueteng sa ngayon.
Wala namang nagbago maliban sa abot-langit ang nerbiyos sa ngayon ng mga kubrador at mga cabo, ika nga ang masa, dahil alam nila sila na naman ang paboritong gagawing laruan ng pulisya natin. Patuloy din ang pagbibigay ng mga jueteng lords ng lingguhang intelihensiya at ang pangamba nila ay kaliwat kanan ang mangyayaring hirit, bentahan ng ticket at kung ano pang pakulo ng mga kapulisan natin. Hindi rin malayo na ma-raid ang mga puwesto nila kahit may intelihensiya pa sila. Ika nga batu-bato sa langit ang tamaan huwag magalit.
Sa panahon ngayon ng tag-init siguradong talo sa gastos ang mga jueteng lords. Buti nga! Sa ngayon pa lang may ilan ng mga unit ng kapulisan natin na nagsasamantala ng kaguluhan sa Camp Crame para kumita ng limpak-limpak na salapi, hindi lang sa para sa kanilang pamilya kundi sa mga opisyal din nila.
Ipasibak mo rin sila Secretary Lina para madala at hindi na pamarisan pa ng iba. Narito ang inisyal kong listahan, Honesto Galon, Ernesto Capungcol, Major Paras, Major Aguilar, Rey Abiog, Madrigera, Ed Ancheta, Marlon Taduyo, Eric Advincula, Mike Balane, Rafael Paeng Palma, Arnold Sandoval, Danny Sarmiento at Jorge Urdaneta.