Kahapon ay banner story ng pahayagang ito ang pag-amin ni Vice President Teofisto Guingona na tatakbo siyang Presidente sa 2004. Kakalabanin niya umano si President Gloria Macapagal-Arroyo. Ang pag-amin ay ginawa ni Guingona makaraang mairita sa lumabas na balitang nag-resign siya bilang Foreign Affairs Secretary. Itinanggi ni Guingona na nag-resign siya sa Cabinet ni GMA. Sinabi pa ni Guingona na may ilang puwersa sa Palasyo na gusto siyang alisin sa puwesto. Sinabi ni Guingona na naka-survived siya sa first round na ang ibig sabihiy nakaligtas siya sa unang bugso ng mga ibig magpabagsak sa kanya. Ayon sa report, gustong maalis sa puwesto si Guingona dahil sa mariin nitong paghadlang na malagdaan ang Mutual Logistics Support Agreement sa United States. Si Guingona ay tutol sa pagdaraos ng Visiting Forces Agreement (VFA). Hindi magkatugma ang kanilang paninindigan ni GMA sa pagdaraos ng "Balikatan" sa bansa.
Nagbubuga na ng apoy ang mga nagnanais kumandidato. May dumadakot na ng putik para maibato. Hindi lamang si Guingona ang matunog na may ambisyong maging Presidente kundi maging ang mga nasa oposisyon. Naglalatag na ng mga plano kung paano pababagsakin ang mga kalaban partikular ang nasa administrasyon. Pati nga ang walang interes sa pulitikang si Fernando Poe Jr. ay isinasama sa pagkakagulo ng mga pulitiko.
Marami ang naghihirap, laganap ang krimen, talamak ang jueteng at droga, walang tigil sa pagtaas ang mga bilihin at kung anu-ano pa subalit para sa mga pulitiko, mas mahalaga ang kanilang pansariling interes. Mas mahalaga na silay maluklok sa puwesto.
Malayo pa nga ang 2004 pero para sa mga pulitiko, malapit na iyon at dapat paghandaan. Mas mahalaga sa kanila iyon kaysa sa kapakanan ng taumbayan. Ganito kabangis ang pulitika sa kawawang Pilipinas.