Ang naghagis ng bomba ay walang iba kundi si Secretary Joey Lina. Si Lina ay chairman din ng National Police Commission. Sinabi niya na kaya nasibak ang mga PNP general ay dahil sa hindi nasusupil ng mga ito ang paglaganap ng jueteng sa kani-kanilang mga lugar. Hindi lingid sa kaalaman ng mamamayan ang patuloy na pamamayagpag ng bawal na laro hindi lamang sa mga lugar ng mga nasibak na mga opisyal ng PNP.
Hindi tinanggap ng maganda ng mga napatalsik na commanders ang nabalitang pagtatanggal sa kanila. Halos iisa silang nagpahayag sa pamamagitan ng media ng kanilang sama ng loob sa biglaang pag-aalis sa kanila. Sa pito, mas maaanghang ang mga buweltang pananalita ni Aglipay, Berroya at Razon. Ipinahihiwatig nilang si Lina rin ay dapat masama sa imbestigasyon tungkol sa jueteng.
Sari-sari ang naging reaksiyon sa ginawang pagsibak ni Lina sa mga opisyal ng pulisya. May nagsasabi na nagpapabango lamang itong si Lina dahil sa gusto nitong tumakbo sa 2004 bilang Vice President o senador. Anila, ang ginawa ni Lina ay maaaring isang paraan upang mapabilib din niya si GMA upang hindi siya masibak sa kanyang posisyon Interior Secretary dahil sa poor performance.
Kung anuman ang tunay na dahilan ni Lina sa pagkakasibak sa pitong opisyal ng PNP, sana naman ay maging totohanan na ang pagpapahinto sa jueteng at iba pang salot na namamayani sa ating bansa. Ayon kay Lina, ang ginawa ay simula lamang. Nawa ay hindi lamang si Lina ang maging seryoso sa paglilinis sa ating bayan. Inaasahan ng taumbayan na susuportahan ni GMA at ng kanyang administrasyon ang magaling na ginawa ni Lina. Susubaybayan ng bayan ang susunod na kabanata.