Sa sobrang taranta na maisulong ang kanyang pakikipagtagisan sa 2004 mayoralty race hindi na niya malaman ang kanyang mga binitawang pangako.
Alam ba ninyo kung bakit ko nabanggit ang mga bagay na ito? Mga giliw kong tagasubaybay, ang kontrobersiyal na Pangarap Village sa bukid area ng Caloocan City ay mistulang kendi na ipinamimigay ni Echeverri sa mga kapus-palad na mamamayan ng kanyang lungsod.
Walang habas na hinihikayat ng kongresista sa kanyang mga radio at television interviews ang mga taga-bukid area na magtayo ng kanilang matitirhan sa 150 ektaryang lupain na pag-aari ng Carmel Development, Inc.
Ang Carmel na isa sa mga kompanya ng pamilya ni Greggy Aranteta III ay lehitimong developer at may hawak na titulo para sa naturang ari-arian.
Sa 1988 Supreme Court ruling ang Pangarap Village ay pag-aari ng mga Araneta batay na rin sa mga tax declaration at titulong hawak ng kanilang pamilya.
Sa gitna ng pakikipagtagisan ng mga squatters sa Carmel nakialam umano itong si Echeverri nang hindi nalalaman ang kanyang pinagsasabi.
Ipinagmamalaki pa naman ni Echeverri na siyay isang abogado ngunit saan namang law school kaya natutunan na puwedeng ipamigay ng kahit sinong pulitiko ang anumang lupa na pribadong pag-aari?
Anong law books kaya ang kanyang nabasa na nagsasaad na kapag nangangarap kang maging alkalde ay puwedeng mamigay ng lupa ng may lupa?
Nakalulungkot isipin na isang katulad lamang ni Echeverri ang nilipad ng hangin papasok sa tinitingalang Kongreso.
Ang maipapayo ko lamang kay Kongresista na nagbabalak kumandidatong mayor sa 2004 na huwag namang isakripisyo ang pag-aari ng iba.
Kung talagang nais mong makatulong sa iyong mga mamamayan dapat lamang na tuparin mo ang iyong pangako na mabibigyan sila ng sariling lupain na pagtitirikan ng kanilang bahay. At iyan ay ang malawak mong lupain.