^

PSN Opinyon

Bakit panay ang papogi ni Dir. Gualberto ng CIDG?

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas -
NARARAPAT lang sigurong sibakin na sa puwesto si Dir. Nestorio Gualberto, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group, dahil itong mga nagdaang mga araw mukhang hindi na ang kapakanan ng pulisya ang isinusulong niya kundi ang kanyang ambisyon sa pulitika. Maaaring maraming achievements itong si Gualberto sa pamamalakad niya sa CIDG subalit kapuna-puna sa dumaang ilang malalaking kaso na ‘‘reactionary’’ ang attitude niya o dili kaya’y sumasakay siya sa isyu para mapag-usapan siya sa media. ’Ika nga, pampapogi lang mga suki.

Hindi naman kaila sa atin na sa kanyang pagretiro sa pulisya, may ambisyon itong si Gualberto na pumasok sa pulitika. Ang tinatarget niya sa ngayon ay bilang gobernador ng probinsiya ng Batangas o dili kaya’y congressman ng isang distrito nito. Tama ba ’ko mga suki?

Isa-isahin natin ang mga kasong sa tingin ng maraming pulis na nakausap ko ay mukhang publicity lang ang habol ni Gualberto. Sa kaso ni Chung Young Ho, ang Third Secretary ng Korean embassy na natagpuang patay sa Marikina City, nagpa-presscon itong si Gualberto at isa-isang ipinakita ang artist sketch ng mga suspects na umano’y miyembro ng ‘‘Ativang Gang.’’ Kilala na pala niya ang mga suspect, bakit hindi niya hinuli ang mga ito bago pa makapambiktima? Kailangan pa bang may magbuwis ng buhay bago kumilos itong si Gualberto?

Sa kaso naman ng kidnap victim na si Charmaine Ong, anak ng may-ari ng CDO sa Valenzuela City, kapuna-puna na panay ang papogi ni Gualberto at hinihimay pa sa media ang mga developments ng imbestigasyon ng pulisya sa kaso. Maaring magandang media mileage para kay Gualberto itong Ong kidnapping pero mukhang hindi niya naisip na napalagay naman sa peligro ang buhay ng biktima at pamilya niya.

At dahil sa kabubunganga ni Gualberto, halos ayaw ng kausapin ng pamilya ang pulisya sa sobrang galit nila dahil lumalabas sa media ang mga munting detalye na dapat mga imbestigador lang ang nakakaalam.

At dito sa kaso pa ni Ruben Ecleo Jr., ang lider ng PBMA ay umeksena rin si Gualberto. Maliwanag naman na hindi kasali ang CIDG sa sagupaan sa Dinagat Island sa Surigao pero ipinirisinta ni Gualberto ang kanyang sarili para siya ang mag-ayuda kay Sen. Robert Barbers para dalhin ang sumukong si Ecleo sa Manila. Ang tawag sa ngayon ng mga opisyales ng pulisya sa Camp Crame kay Gualberto ay ‘‘credit grabber.’’

Ang puna naman ng ilang junior officers ay mukhang inililihis ni Gualberto sa tunay na pangyayari ang kaso nina Chung at Ong. Aba matinding bintang ito ah? Ang kuntensiyon nila kasi, ang mga pulis na sangkot sa kidnapping noong kapanahunan ni Sen. Ping Lacson ay makikita na naman diyan sa CIDG. Ano ang ibig sabihin nito?

Dapat sigurong mag-‘‘tong-its’’ na lang itong si Gualberto kasama ang ‘‘tong’’ collector niya at isang opisyal na si JV keysa maging spokesman ng PNP sa mga controversial na kaso. Hindi pa ba siya nadala sa Nida Blanca case? Kaya sa pag-upo ni incoming PNP chief Dep. Dir. Gen. Hermogenes Ebdane Jr., sa July 4 ang dapat niyang unahing sibakin ay itong si Gualberto para hindi na niya magamit ang CIDG sa balak niyang pagpasok sa pulitika. At sino kaya ang mapalad na papalit sa kanya? Ikaw ba ’yon Chief. Supt. Mulong Sales, Sir?

ATIVANG GANG

CAMP CRAME

CHARMAINE ONG

CHUNG YOUNG HO

CRIMINAL INVESTIGATION AND DETECTION GROUP

DINAGAT ISLAND

GUALBERTO

ITONG

NIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with