Ang dengue o Dengue Hemorrhagic Fever (DHF) ay isang uri ng acute infection viral disease. Inihahatid ng lamok na nangangagat kung araw. Tinatawag itong Aedes Egypti. Sa unang tingin ay pangkaraniwang lamok ang Aedes Egypti subalit mistulang halimaw kung makasipsip ng dugo ng tao at ang kasunod ay ang matinding problema na maghahatid sa kamatayan. Walang tigil sa paglipad ang lamok na ito lalo na nga ngayong nagsisimula na ang pag-ulan. Nag-aabang na ng kanilang mabibiktima ang mamamatay taong lamok.
Ang mga sintomas ng may dengue ay ang sumusunod: Biglang pagkakaroon ng lagnat na tumatagal ng dalawa hanggang pitong araw; nananakit ang kalamnan at kasu-kasuan ganoon din ang loob ng mga mata; makadarama ng panghihina at panlalambot; pangangati at paglabas ng maliliit at mapulang pantal sa balat; pagdurugo ng ilong at ang dumi ay kulay itim.
Inireport ng World Health Organization (WHO) na ang Pilipinas ay "Dengue Hotspot". Noong 1997, inireport na may 12,8111 kaso ng dengue. Noong 2000 inireport na may 35,596 kaso at nakapangingilabot na 536 ang namatay sa sakit na ito. Ang kakulangan ng pondo at mga trained personnel ang itinuturong dahilan ng pagtaas ng dengue sa bansa.
Wala pang natutuklasang gamot sa dengue subalit maaaring maiwasan ang sakit na ito. Kalinisan ng kapaligiran ang susi rito. Linisin at basagin ang lahat ng pinagbabahayan ng mga lamok. Huwag mag-iwan ng mga basyong bote, lata, lumang goma na maaaring tirhan ng mga lamok. Huwag magsampay ng mga damit sa madidilim na lugar. Gumamit ng kulambo sa pagtulog at maglagay ng screen sa mga bintana at pinto.
Ang pakikipagtulungan ng taumbayan sa DOH at iba pang ahensiya ng pamahalaan ay kailangan upang madurog ang mga lamok na nagkakalat ng dengue. Laging isaisip ang paglaban sa dengue.