Dagdag pa rito ang programang "Kapag nasa Katwiran... Ipaglaban Mo", at ang "Ikaw at ang Batas". Ito ang mga programang legal sa telebisyon na nanguna sa pagpapalapit ng batas sa mga Pilipino. Ito ang mga bukod tanging programa na mahigit 10 taong nagbigay serbisyo sa halos araw-araw na paglalathala at pagsasadula at pagbibigay impormasyon tungkol sa mga kasong nadesisyunan na ng Supreme Court.
Milyun-milyong Pilipino ang namulat sa kanilang karapatan, namulat sa batas, at namulat sa kanilang responsibilidad. Ang desisyon ng Supreme Court ay nagkaroon ng saysay sa ordinaryong mamamayan, at ito ay sa pamamagitan ng pagod at hirap ni Atty. Sison.
Sa lahat ng aspeto ng buhay, magmula relasyon ng miyembro ng pamilya at ng kapwa-tao, manggagawa, korporasyon, batas sa krimen, proseso ng paglilitis, administrasyon ng pamahalaan, hanggang Saligang Batas ng Republika, kanyang napag-aralan, nabasa, isinulat, isinadula. Ang mga ito ay galing sa batas at sa nadesisyunang mga kaso ng Supreme Court.
Isang paghahayag ito ng suporta para sa kanyang pagtatalaga sa Kataas-taasang Hukuman ng bansa. Ang kanyang karanasan at karunungan ay hindi na kailangan pang patunayan. Sa demokratikong bansa, mahalaga ang karunungan ng mamamayan, lalung-lalo na sa batas, instrumento siya sa pagsasakatuparan nito sa Pilipinas. Sa mahabang panahon, na mahigit isang dekada, mamamayan ang testigo sa trabaho at produkto na kanyang ginampanan.