Sa mga kaso ni Ecleo: Justice should triumph over evil

NAKAKAPANGILABOT at nakapagngingitngit ang nangyaring labanan sa pagitan ng pulisya at ng grupo ng Philippine Benevolent Missionaries Association (PBMA) noong nakaraang Martes sa San Jose, Dinagat, Surigao del Norte. Nang matapos ang putukan, 19 na miyembro ng PBMA at isang pulis ang nakitang patay na nakabulagta sa Ecleo mansion sa nasabing bayan.

Ang kultong PBMA ay pinamumunuan ni dating mayor Ruben Ecleo, Jr., na kung tawagin ng kanyang mga miyembro ay "Divine Master’’. Itong si Ecleo ay pinagsususpetsahang pumatay sa kanyang asawang si Alona Bacolod. Ito ang dahilan kung bakit pinaghahanap ito ng mga pulis. Nagtungo ang mga miyembro ng pulisya sa ‘‘white house‘’ mansion upang hulihin si Ecleo. Subalit, bagkus na sumuko, nauna pang magpaputok ang mga miyembro ng kulto. Saka lamang sumuko si Ecleo at ang kanyang mga kasamahan ng malamang masusukol na sila ng mga pulis at militar.

Noong gabi ng araw ng nasabing enkuwentro, naganap din ang isa pang kalunus-lunos na krimen. Walang awang pinagbabaril ang limang miyembro ng Bacolod family sa Cebu, ang mga kaanak ni Alona, ang pinatay na asawa ni Ruben Ecleo Jr. Ang sinasabing pumatay ay si Rico T. Gulumon, isa ring miyembro ng PBMA at malapit na tagasunod ni Ecleo.

Ito ang isang pagkakataon na hindi dapat palampasin ng ating pamahalaan lalo na ang pulisya at mga ahensiya na may kinalaman sa pagpapatupad ng katarungan. Marami sa ating mga kababayan ang galit na galit sa mga naganap na patayan. Sinasang-ayunan nila ang suspetsang may kinalaman si Ecleo sa mga nangyaring madugong patayan. Marami siyang dapat ipaliwanag at panagutan.

Ang iba naman nating mga kababayan ay nagpapahiwatig na baka walang mangyari sa mga kasong ito ni ‘‘Ecleo’’, sapagkat mukhang makuwarta at maimpluwensiya ito. Ang nanay ng misteryosong ‘‘Divine Master’’ ng PBMA ay walang iba kundi si Surigao del Norte Congresswoman Glenda Ecleo na nabalitang nagbibigay ng alalay at proteksiyon sa kanyang anak at mga kasamahan nito sa PBMA. Siguro naman ay hindi papayagang mangyari ito lalo na nina Sen. Robert Barbers at ng mga anak niyang Gobernador at Congressman ng Surigao del Norte.

Show comments