Marcos ibig gawing santo?

Si yumaong ex-President Marcos, nang kamkamin ang Meralco sa panahon ng martial law ang nagtayo ng Meralco foundation mula sa pribadong pondo. Matapos ang maraming taong wala nang diktadurya at naibalik sa mga Lopez ang Meralco, may sektor na sumisigaw na kilalanin at gawing lehitimo ang foundation.

Iyan ang ibig mangyari ng Kilusan Kontra Kalabisan ng PPA kasabay ng pagbubunton ng sisi sa mga Lopez sa pag-iral ng Purchased Power Adjustment (PPA).

Sa ngayo’y talagang dapat hanapan ng solusyon ang problema sa PPA. Pero malabo at kakatwang solusyon ang legitimization ng Meralco foundation. Ano iyan, ibig gawing santo ang isang taong sinasabing sumiil sa demokrasya?

Dati’y pag-aari ng Amerikano ang Meralco bago mapasakamay ng mga Lopez noong 1961. Ito’y isang monumental achievement ng Pinoy. Totoong naging monopolyo ang Meralco dahil ito lang ang may kontrol sa power generation at distribution. Pero sa kabila nito, Pilipinas ang may pinakamababang singil sa kuryente noon. At hindi kilala ng taumbayan ang salitang brownout o blackout.

Nasira lang lahat ng ito nang umentra si Marcos. Bukod sa Meralco, naunang kinamkam ng rehimen ang ABS-CBN na ibinigay sa Marcos crony na si Benedicto.

Ipinasara din ang bantog na pahayagang Chronicle at ang gumamit ng pasilidad nito’y ang bayaw ni Marcos na si Kokoy sa paglilimbag ng pro-Marcos Times Journal.

Gipit si Don Eugenio Lopez dahil sa karamdamang cancer. Ikinalaboso pa ang anak na si Geny. Dahil dito naibigay sa napakamurang halaga sa foundation ni Marcos ang Meralco. Nasabi na natin ang detalye niyan noong nakaraang isyu ng kolum na ito.

Kaya mali ang contention ng ilang sektor na ang Meralco’y government owned. Ang itinatag na foundation ni Marcos ay mula sa pribadong pondo.

Ang masaklap, bagamat may malaking stock nang muli sa Meralco ang mga Lopez, hindi pa rin nito nababawi mula sa NAPOCOR ang ilang mga power generating facilities nito.

Show comments