Tatlo lang ang kailangang pagtuunan ng pansin ng MMDA: Traffic, basura, at pollution. Sa mga problemang ito, kadalasan, political will lang ang kailangan. Sa Marikina naipakita ni BF ang husay at tibay niya sa pag-implementa ng development sa imprastruktura. Sa MMDA, karamihan ng pagbabago ay sa istruktura ng mga ahensiyang nagpapatupad ng batas at patakaran. Isang inhinyero ng organisasyon at istruktura ng MMDA ngayon ang kailangan.
Siyempre lang, sa anumang rebolusyonaryong pagbabago, mayroong mga tiwaling tinatamaan. Kaya alam na natin na may manggugulo at may magrereklamo. Pero ito ay mga presyo ng pag-asenso. Dinanas na iyan ni Mayor Fernando sa Marikina. Kayang-kaya niyang sanggahin iyan sa MMDA. Ang kailangan lang niya ay pagpupursige at suporta ng Presidente at mamamayan. Sa kanyang batikang karanasan, maganda ang hinaharap.
Marami ang na-eexcite sa prospektibong pagtatalaga ng isang mahusay na administrador at pinuno ng MMDA. Apektado ang buhay ng milyun-milyong Pilipino sa mga pagbabagong ito. Maaaring dito na rin ang mag-uumpisa ng pagbabago ng ekonomiya, ng pagpasok ng industriya, at pagtitiwala ng mga dayuhan sa kakayanan ng Pinoy.
Malinis na sidewalk, pulidong kalsada at mabilis na daloy ng trapiko ang hinihintay ng mga Pilipino sa Metro Manila. Para magawa ito, tunay ng kailangan ng super administrator. Sa karanasan ni BF, at mga gawad parangal na kanyang tinanggap, mukhang siya na nga ang hinihintay natin. Sana nga.