Pawang turista ang pinupuntirya ng mga masasamang loob sapagkat dollar nga naman ang kanilang kikitain. Kumita ng milyong dollar ang mga bandido nang kidnapin nila ang 21 dayuhan sa Sipadan, Malaysia noong April 23, 2000. Tinaguriang "kidnapping capital sa Asia" ang Pilipinas.
Hindi lamang sa malayong Mindanao nagaganap ang pagsasamantala sa mga dayuhan o turista kundi pati na rin dito sa Metro Manila. Walang patid ang nangyayaring pambibiktima sa mga dayuhan. Madalas na sa loob pa lamang ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay nabibiktima na sila. Hinoholdap o kaya ay kinikidnap.
Isa sa pinaka-popular na pambibiktima sa mga dayuhan ngayon ay paglalagay ng droga sa kanilang inumin. Bihasa sa ganitong gawain ang Ativan Gang. Hahaluan ng pampatulog ang inumin ng kinaibigan nilang dayuhan at presto!
Pinaka-latest na biktima ng Ativan Gang ay si Chung Young Ho, Third Secretary ng South Korean Embassy. Natagpuang patay si Chung noong June 7 sa Marikina City. Mga Ativan Gang ang pinaniniwalaang pumatay sa Korean. Hindi pa nalulutas ng Philippine National Police ang pagpatay.
Minsan ay sinabi ni Tourism Sec. Richard Gordon na ligtas na lugar ang Pilipinas para puntahan ng mga turista. Sinabi namin noon na baka nagbibiro o nagpapatawa lang si Gordon. Baka nga nagbibiro lamang siya dahil sa totoo lang, hindi ligtas ang mga turista sa pagtapak pa lamang sa bansang ito. Gumawa ng paraan para sila proteksiyunan.