Sino ba naman ang matutuwa sa mga commissioners, parati na lamang nagbabangayan na parang asot pusa? Sila pa nga ang dapat na maging modelo at tingalain ng balana sapagkat sila ang pinagkakatiwalaan ng sambayanan sa pagpili at paghahalal ng mga taga-paglingkod ng bayan. Subalit, ano ang ginagawa nila? Awayan at batuhan ng akusasyon ng katiwalian at iba pang paninira sa karakter ng isat isa. Tama ba ito?
Sirang-sira na ang imahe at kredibilidad ng Comelec. Alam ng taumbayan na marami sa mga nahalal na nanungkulan at ang iba pa nga ay nanunungkulan pa rin ngayon ang dayaan at lagayan na naganap sa pamamagitan ng ilang mga opisyal at tauhan ng Comelec.
Maraming problema ang haharapin ni Abalos bilang chairman ng Comelec. Isa na rito ang pakikipag-ugnayan sa mga kasamang commissioners na batay sa mga nakaraang pangyayari sa panahon ni Benipayo ay masasabing hindi maaaring maging sunud-sunuran lamang sa kagustuhan ng kanilang chairman. Ang mga kalokohan at kabuktutan sa loob ng Comelec ay isa pang magiging sakit ng ulo ni Abalos.
Subalit naniniwala ako na kakayanin ni Abalos ang bago niyang tungkulin. Bagay na bagay siya sa Comelec hindi lamang dahil sa kanyang pagkatao kundi lalo na sa kanyang kuwalipikasyon, karanasan at talino bilang isang dating judge, prosecutor at mayor. Chairman Abalos, the next move is yours.