Hinagpis ng Meralco

DAHIL sa Purchased Power Adjustment (PPA), nagkakagulo ang bayan.

Pati Senado ay nagkawatak-watak dahil sa isyung iyan.

Kung babawiin ba iyan, bubuti ba o lulubha ang situwasyon? Paano kung yung mga independent power producers na kontratado ng gobyerno ang maghabla kapag inalis ang PPA? Abangan ang desisyon ng Korte sa demanda ng mga cause oriented groups sa pangunguna ni Johnny Ponce Enrile laban sa PPA.

Sabi ng dalawang mambabatas, i-take-over ng gobyerno ang Meralco. Okay iyan sa ’kin kung magagarantiyahang bababa ang presyo ng kuryente. Pero pangit ang track record ng gobyerno na puno ng katiwalian at mismanagement. Malamang lalung tumaas ang power rate kung gobyerno ang hahawak.

Pinakamalaki na nga ang hawak na stock ng pamahalaan sa Meralco na 24 porsyento, samantalang 16 porsyento ang sa mga Lopez. Ang natitirang mga stock ay hawak ng iba’t ibang stockholders sa korporasyon na sa kabuuan ay 85,000.

Wala mang ekslusibong karapatan ang mga Lopez at puwedeng bawiin ang prankisa kung interes ng taumbayan ang nakataya, gaya ng sinabi ng Meralco treasurer na si Rafael Andrada, dugo, pawis at luha ang naipuhunan nila dito.

1961
nang hawakan ng mga Lopez ang Meralco. Naging model power franchise in Asia dahil sa murang singil nito. Pangalawa ang Pilipinas noon sa mga bansa sa Asia na may murang elektrisidad.

Pinag-interesan ng diktaduryang Marcos nang mag-martial law. Ipinakulong ni Marcos si Geny Lopez, anak ni Don Eugenio sa paratang na assassination plot.

Para mapalaya, hininging kapalit ni Marcos ang Meralco. 1973 nang pumayag si Don Eugenio na ibenta at ilipat ang kapital ng Meralco na $20 milyon sa isang foundation na itinayo ni Marcos. Ang kakatwa, $1,500 lang ang downpayment na ibinayad sa mga Lopez at ang balanse ay payable in ten years at hindi pa rin pinalaya si Geny. Sa halip, siya’y nilitis sa bintang na planong patayin ang Pangulo.

Isinalin ni Marcos sa NAPOCOR ang power generation business ng Meralco na ginawa na lang power distributor.

Namatay si Don Eugenio nang di man lang nakita ang paglaya ni Geny nang ang huli at si Serge Osmeña ay umeskapo sa piitan at nangibang bansa. Naibalik lang sa mga Lopez ang korporasyon nang mapatalsik si Marcos.

Wala nang diktadurya pero tila maraming paraan para balatan ang Meralco. The power of imminent domain as suggested by Congress is one.

Kahit si Presidente Arroyo ay tinawag na "absurd" ang ideyang ito. Tama ang Pangulo. Laking sakit ng ulo lalo kung papasok ang gobyerno rito.

Show comments